1 patay sa karambola sa Quezon City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 08:25 AM | Updated as of Aug 05 2017 08:29 AM

MANILA – Patay ang isang lalaki matapos itong tamaan ng isang sasakyang kasama sa karambola ng tatlong sasakyan sa Quezon City, Sabado ng umaga.

Dinala pa sa ospital si Herminio Cruz Jr. matapos niyang bumulagta sa underpass sa may Quezon Avenue corner EDSA nang salpukin ng taxi ang kanyang motorsiklo, ngunit binawian na ito ng buhay. 

Ayon kay Dan Jio Santos, driver ng isang sasakyang sangkot sa aksidente, binabaybay niya ang underpass nang may sumabay sa kaniyang apat na kotseng umanong naghahabulan. Bigla na lang daw natamaan ng isa sa mga sasakyan ang kanyang minamanehong Toyota Vios.

"Parang '[The] Fast and [the] Furious,'" ani Santos, na tumukoy sa isang pelikulang tungkol sa drag racing. 

Wasak ang kaliwang banda ng harapan ng sasakyan ni Santos, na nasa dulo ng hilera ng mga kotse sa eastbound lane ng underpass.

Natanggal ang likurang bumper ng minamaneho ni Salvador Ablain na taxi, ang sasakyang umanong tumama sa motorsiklo ni Cruz.

Nakatakas ang tatlo sa apat na sasakyang umanong kumarera sa kalsada ayon kay Santos, pero naiwan ang isang asul na kotse na naipit sa pagitan ng Vios at taxi.

Itinanggi ng driver ng naiwang sasakyan, na nagtago sa pangalang "James," na nakipagkarerahan siya sa ibang sasakyan. 

Sinara sa trapiko ng isang oras ang east bound lane ng underpass dahil sa insidente. Nabuksan muna ang isang bahagi ng lane hanggang sa maialis ang mga apektadong sasakyan.

Patuloy na sinusuri ng Quezon City Traffic Sector 6 ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.