Drug suspect, patay nang manlaban umano sa mga pulis

Hajji Kaamino, DZMM

Posted at Aug 05 2016 09:34 PM | Updated as of Aug 06 2016 12:34 AM

Napatay ng mga pulis-Maynila ang isang pinaghihinalaang drug pusher sa loob ng kanyang bahay sa isang buy-bust operation sa Malate.

Itinuturing ikaapat sa drug personalities ng MPD ang 41-anyos na si Erwin Holdago na isa ring drayber ng pedicab na nakatira sa Barangay 754 Zone 81 matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation.

May narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 at ilang sachet ng hinihinalang shabu sa bahay ni Holdago ngunit ayon sa kanyang pamangkin, imposibleng makipagpalitan ng putok si Holdago dahil wala siyang baril at matagal na raw siyang nag-bagong buhay.

Ayon naman sa mga pulis, nagkasundo ang asset at ang target sa 500 pesos na halaga ng shabu pero nagduda umano si Holdago kaya bumunot agad ng baril na nagsimula sa pagpapalit ng putukan.

Labis ring ikinagulat ng mga taga-barangay ang pagpatay sa suspek dahil sumuko na ito sa Oplan Tokhang dalawang linggo na ang nakalilipas.

Nananawagan ng hustisya ang mga kaanak ni Holdago sa administrasyong Duterte dahil sa walang habas umanong pagpatay ng pulisya sa mga sumusukong drug personalities.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.