AWOL na pulis, patay nang manlaban umano sa drug operation

Fred Cipres, DZMM

Posted at Aug 05 2016 08:59 PM

Patay ang isang umano'y AWOL na pulis sa drug operation sa Meycauayan, Bulacan, Biyernes ng madaling-araw.

Ayon kay police inspector Rodolfo Quiroz, ang suspek na si alyas Alfer ay isang dating pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District ay wala sa drugs watchlist ng Meycauayan dahil hindi siya residente ng lugar.

Dagdag pa ni Quiroz, nagbabagsak ng droga ang suspek sa Barangay Banga, Barangay Bangkal at sa Barangay Calvario dito sa Meycauayan. Binigyan ng tip ang Meycauayan police mismong tauhan ng suspek na gusto nang magbago.

Bibili sana ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P1,000 ang poseur buyer ngunit nakatunog ang suspek na pulis ang ka-transaksyon nito kaya agad na nagpaputok ng kalibre 38 baril. Gumanti ng putok ang mga operatiba na siyang ikinamatay ng suspek.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Meycauayan pulis sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.