PatrolPH

'No vendors' at 'no parking' policy ipinatutupad na sa mga piling kalye sa Maynila

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2022 04:47 PM

Shoppers head to Carriedo Street in Manila on December 23 for some last minute shopping as Christmas fast approaches. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Shoppers head to Carriedo Street in Manila on December 23 for some last minute shopping as Christmas fast approaches. Jonathan Cellona, ABS-CBN News


Naglabas ng kautusan ang Manila City Hall na mahigpit nang ipatutupad sa mga piling kalye sa lungsod ang "no vendors, no parking policy."

Ito'y ayon sa inilabas na Executive Order No.19 na pirmado ni Mayor Honey Lacuna.

Narito ang mga kalsada kung saan mahigpit nang ipagbabawal ang pagtitinda at pagparada ng mga sasakyan:

  • sa Juan Luna St. mula C.M. Recto hanggang Plaza San Lorenzo Ruiz
  • sa Soler St. mula C.M. Recto hanggang Reina Regente
  • sa Blumentritt mula Rizal Avenue hanggang A. Bonifacio St.
  • sa kabuuan at kapaligiran ng Plaza Miranda
  • sa Raon St. mula Quezon Blvd. hanggang Rizal Avenue
  • sa Carlos Palanca St. mula C. Ayala St. hanggang Plaza Lacson
  • at sa Carriedo St. mula Rizal Avenue hanggang Quiapo Church
  • sa U.N. Avenue mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue
  • sa Padre Faura St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue
  • sa Pedro Gil St. mula Roxas Boulevard hanggang Quirino Avenue
  • sa Paz St. mula Apacible St. hanggang Pedro Gil St.
  • sa A. Linao St. mula Quirino Avenue hanggang Apacible St.
  • sa Taft Avenue mula Vito Cruz) hanggang Plaza Lawton
  • sa T. Alonzo St. mula C. M. Recto hanggang Ongpin St.
  • sa Zobel Roxas St. mula Osmeña Highway hanggang Pasig Line 
  • sa Onyx St. mula A. Francisco St. hanggang Zobel Roxas

Nakasaad din sa ilalim ng Section 2 ng naturang kautusan na wala ring pahihintulutang vendors sa kahabaan ng C.M. Recto mula Asuncion St. hanggang Juan Luna St. at sa Kalaw St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue, pero ang pagparada ng sasakyan sa isang lane ng lansangan ay maaaring payagan. 

Nakalagay din sa EO ng alkalde na ang mga idineklarang Mabuhay Lanes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay mananatili sa ipinaiiral na panuntunan na batay sa regulasyong inilabas ng ahensiya.

Ang binuong Task Force Against Road Obstruction (TFARO) ay inatasang tiyaking maipatutupad ang mga panuntunang nakasaad sa mandato ng kanilang tungkulin sa lahat na oras.

Nitong Huwebes nagsagawa ng clearing operations ang Team Hawkers Task Force ng Manila City Hall sa Carriedo St. malapit sa Quiapo Church.

Kinumpiska nila ang mga upuan at kahon na walang laman na nakaharang sa bangketa.

Nagkumahog naman ang mga vendor na itabi ang kanilang mga paninda— pinagtatanggal din nila ang mga nakasabit na mga pandinang damit, malalaking payong at ibang nakasabit na nakakasagabal para hindi makumpiska.

Aminado ang mga tauhan ng Team Hawkers Task Force na isang malaking hamon sa kanila na mapanatiling malinis ang mga binabantayan nilang mga kalsada.

Sa katunayan, anila, ito na ang ikalawang beses na in-operate nila ang Carriedo St. ngayong Huwebes, at maging ang ibang kalsada ay muli nilang binalikan.

"Bumabalik sila kaka-operate lang ng QRT marami silang nahuli after 20 minutes sinundan namin yung QRT nandoon na naman 'yung vendor tapos mapapaaway pa kami di ba," ani Samuel Dueñas, operations head ng Team Hawkers Task Force. 

Kaya pagkatapos anila mag-operate, makikipag-uganayan na sila sa barangay at police station na nakakasakop sa kalsada.

Sa Blumentritt, okupado ng mga vendor at mga nakaparadang sasakyan ang bangketa kaya ang mga pedestrian napipilitan nang maglakad sa kalsada.

Marami ring mga nakahilerang nakaparadang mga sasakyan sa kahabaan ng Padre Faura at okupado rin ng mga tindahan ng pagkain ang sidewalk.

Pero sa paligid ng Plaza Miranda sa tapat ng Quiapo Church, malinis na ang lugar at wala nang mga nagtitinda habang wala na ring mga nakaparadang mga sasakyan sa gilid ng simbahan sa Quezon Blvd.

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.