PatrolPH

TIPS: Mga dapat paghandaan sa napipintong Metro Manila ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 04:17 PM

Namimili sa isang supermarket ang ilang kustomer noong 2020. Ang pamimili ng mga grocery bago mag-lockdown ang ilan sa mga ipinayo ng isang eksperto
Namimili sa isang supermarket ang ilang kustomer noong 2020. Ang pamimili ng mga grocery bago mag-lockdown ang ilan sa mga ipinayo ng isang eksperto. ABS-CBN News/File

MAYNILA - Sa harap ng banta ng COVID-19 Delta variant at pagdami ng COVID-19 cases, may ibinahaging tips ang ilang eksperto para masigurong handa para sa lockdown sa Kamaynilaan simula Agosto 6. 

Ayon kay public health expert at dating adviser ng National Task Force on COVID-19 response na si Dr. Tony Leachon, ano man ang quarantine status ay dapat magsagawa na ng "family lockdown" o sariling lockdown sa bawat pamilya. 

Hinimok din niyang mag-face mask at face shield ang mga residente. 

"'Yung pagkakaroon ng family lockdown cumulative 'yan e. So kung lahat tayo magla-lockdown mame-menos natin 'yung mga virus na lilipat from one place to another," ani Leachon. 

Bukod aniya sa pagkain, dapat ding mag-imbak ng mga gamot, hygienic protective gear at vital signs equipment at dapat alamin din ang contact number ng doktor. 

"Mag-stockpiling ho kayo ng mask, ng alcohol, at saka ng mga hygienic protective gear kasi we don't know kung ano pwede mangyari kung maaari tumagal pa itong lockdown natin," ani Leachon. 

Payo rin ni Leachon na ang vaccinated na miyembro ng pamilya ang dapat utusang lumabas ng bahay sa panahon ng ECQ. 

Kapag naman nakaramdam ng kahit ano mang sintomas ng COVID-19, agad din dapat itong i-report sa Barangay Health Center o sa doktor. 

Nanawagan din siya sa publiko na mahigpit na sundin ang health protocols at magpabakuna na. 

"Mayroon tayong shared responsibility with the government, ang personal responsiblity natin wear face mask, face shield and then magso-social distancing," ani Leachon. 

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

RELATED VIDEO 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.