PatrolPH

Pagkain, hygiene kits handog sa ilang taga-Naujan, Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 04:24 PM | Updated as of Aug 04 2021 07:52 PM

Hinatiran ng ayuda ang mga residente ng Barangay Aurora sa Naujan, Oriental Mindoro na nasapul ng matinding pagbaha kamakailan.
Hinatiran ng ayuda ang mga residente ng Barangay Aurora sa Naujan, Oriental Mindoro na nasapul ng matinding pagbaha kamakailan. ABS-CBN News

Wala nang bahay na uuwian si Jocelyn Hernandez matapos tibagin ng malakas na agos ng baha ang pader ng kanilang tirahan sa Naujan, Oriental Mindoro.

Pilit sila ngayong nagkakasya ng kaniyang 7 anak sa maliit na espasyong ipinahiram ng kanilang kapitbahay.

Construction worker sa Maynila ang mister ni Hernandez pero hirap ding magpadala ng pera dahil hindi regular sa trabaho.

Naisalba naman ni Hernandez ang isang timba ng bigas pero ibinahagi rin niya ito sa mga kalugar na tumulong sa kanila sa kasagsagan ng pagbaha.

"Binigyan ko rin sila ng kahit kaunting bigas... para makatulong sa kanila," ani Hernandez.

Watch more on iWantTFC

Sinisikap naman ni Oliver de Guzman, kabarangay ni Hernandez, na kumpunihin agad ang barong-barong kung saan niya balak magtinda ng pang-merienda.

"Kasi pandemic ngayon, mahirap maghanap ng trabaho," ani De Guzman, na umeekstra rin sa construction.

Pilit pinagkakasya ni De Guzman sa 4 niyang anak ang P800 na kinikita sa isang linggo.

Pakiusap ni De Guzman ay mabigyang pansin ang hirap na nararanasan nilang mga taga-Mindoro.

Para sa mga residente ng Barangay Aurora sa Naujan ang dalang mga bigas at de-lata ng Sagip Kapamilya.

Binigyan din sila ng hygiene kits, alcohol, mask at mga damit.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.