PatrolPH

Paghatid-sundo ng APORs gamit ang pribadong sasakyan, bawal sa ECQ: PNP

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 01:52 PM | Updated as of Aug 04 2021 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATED) Bawal magpahatid-sundo sa kanilang mga pribadong sasakyan ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na mga manggagawa kapag isinailalim na sa enhanced community quarantine ang Metro Manila simula Biyernes.

Ito ang anunsiyo ngayong Miyerkoles sa TeleRadyo ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar, na bago aniyang polisiyang napagkasunduang ipatutupad sa ECQ ngayong Agosto.

Naging maluwag umano ang mga awtoridad sa polisiyang ito noon, pero hihigpitan na ngayon dahil may limitado namang pampublikong transportasyon.

Humihingi ng pang-unawa ang PNP dahil apektado nito ang mga manggagawa, lalo na ang mga hindi kayang magmaneho.

"Hindi po pupuwede 'yon kasi ito po 'yong puwedeng abusuhin eh. Ano ba naman 'yong magda-drive ka nang mag-isa ka lang sa sasakyan, hindi ka APOR, sabihin mo, 'Pasensiya, ako po'y naghatid, galing po doon, pauwi na ako,'" ani Eleazar.

"Hinihingi po namin ang inyong pag-unawa sa mga pagkakataong ito," dagdag niya.

Nilinaw naman ni Eleazar na puwedeng tumawid ng borders ng mga lungsod sa Kamaynilaan ang mga workforce APOR at hindi rin sila sakop ng curfew dahil sa trabaho.

Kailangan lang umanong magpakita ng company ID.

Samantala, kung ang isang tao ay itinalagang lumabas para bumili ng essential goods, hindi sila papayagang lumabas ng kanilang lungsod at sakop sila ng curfew hours, ani Eleazar.

Inabisuhan ang mga bibili ng essential goods na tiyaking dala ang quarantine pass.

Hiniling naman nina Commission on Human Rights spokesperson Jacqueline de Guia at Sen. Panfilo Lacson sa PNP na pag-isipan ang pagbabawal sa hatid-sundo ng mga manggagawang APOR.

Ayon kay De Guia, hindi dapat pagkaitan ang mga APOR ng ligtas na paraan ng pag-commute.

Posible rin umanong malantad sa sakit ang mga APOR kapag ipinagbawal ang hatid-sundo sa kanila ng mga pribadong sasakyan, lalo't hindi sapat ang public utility vehicle na papasada sa panahon ng ECQ.

"The issue of alleged abuse of this ‘hatid-sundo’ scheme raised by the authorities can be addressed by requiring documentary proof that the passengers and driver of the vehicle are indeed APORs," ani De Guia.

"Huwag naman sanang pabigla-bigla ang restrictions, to a point of being impractical if not illogical," sabi naman ni Lacson sa pahayag.

"Baka may paraan to satisfy both health concerns and a little convenience for our APORs who need to work to feed their families, or render indispensable service to others, like health workers and other frontliners," dagdag ng mambabatas.

Isasailalim sa ECQ ang Metro Manila hanggang Agosto 20 upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa harap na rin ng banta ng mas nakahahawang Delta variant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.