PatrolPH

Mga ayaw maabutan ng ECQ sa NCR, nagbibiyahe na pa-probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 06:23 PM | Updated as of Aug 04 2021 07:42 PM

Watch more on iWantTFC

Nang marinig ni Ismael Palma ang anunsiyo ng panibagong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, nagpasya siyang umuwi na lang ng Naga sakay ng bus galing Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Naranasan na umano ni Palma na ma-stranded at mawalan ng pagkakakitaan nang halos 1 taon.

"Ayaw ko na ma-lockdown dito sa Maynila. Gusto ko na sa Bicol. Mahirap 'pag dito ka sa Maynila inabot," ani Palma.

Dala-dala ni Palma ang lahat ng puwedeng hingin sa kaniya tulad ng ticket, negative COVID-19 antigen test, vaccination card, at medical certificate dahil senior citizen na siya.

Pero hindi lahat ay pinalad na makauwi, gaya ni Jherica Leorag na nakansela ang biyahe nang dumating sa Manila North Port Passenger Terminal.

Naka-hard lockdown kasi ngayong ang Iloilo para sa mga pasahero mula sa labas ng probinsiya hanggang Agosto 8.

"Wala na po kasi kami uuwian, wala rin ako trabaho na," ani Leorag, na makikituloy na lang muna umano sa kaniyang mga kaanak.

Ayon sa pamunuan ng PITX at Philippine Ports Authority (PPA), kapansin-pansin ang muling pagdami ng mga nagpapa-book palabas ng Metro Manila, na naobserbahan din nitong mga nagdaang ECQ.

"Kung hindi naman urgent 'yong biyahe nila, magpabakuna sila. The moment na tumaas ang percentage ng mabakunahan, mas maaga-aga ang recovery ng ekonomiya," sabi ni PPA General Manager Jay Santiago.

May mga probinsiya pang nagbabadyang magpatupad ng mas striktong community quarantine status dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa Department of Transportation, higit 80 porsiyento pa rin ang bilang ng mga papasadang jeep at bus kahit ECQ na ang Metro Manila.

Mababago lang ito kapag may panibagong utos ang Inter-Agency Task Force.

"Hindi naman babaguhin 'yong supply at capacity," ani Transport Secretary Arthur Tugade.

Kung hindi maiiwasan ang pagbiyahe, nakikiusap ang mga opisyal sa mga pasahero na sumunod sa health at safety protocol, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.

Huwag din umanong magmadaling umuwi kung hindi naman kinakailangan para hindi na maulit ang nangyari nitong mga nakaraang ECQ kung saan marami ang na-stranded.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.