PatrolPH

Magsasaka na nabaril ng pulis sa Marinduque, nailibing na

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 04:21 AM


BUENAVISTA, Marinduque - Nailibing na nitong Martes ang mga labi ni Alberto Delos Reyes, ang magsasakang nabaril at napatay ng pulis sa Barangay Sitio Pag-asa, Barangay Caigangan sa bayan ng Buenavista. 

Daan-daan ang mga nakipaglibing, suot ang puting damit at may dalang tarpaulin na sumisigaw ng hustisya. 

Ayon kay Jennifer Delos Reyes, asawa ng biktima, gusto nilang makitang makulong ang pulis na nakabaril sa asawa.

"Ang gusto po naming mangyari hustisya po makulong po yung pulis na pumatay sa asawa ko at matanggal po sa serbisyo," aniya.

Matatandaang nabaril at napatay ni Corporal Jay Anthony Custodio si Delos Reyes noong Biyernes habang nagsasagawa ng anti-illegal logging activity sa Sitio Pag-asa, pero base sa salaysay ng testigo na sinabi sa asawa, may foul play na nangyari. 

"Yun pong asawa ko po ang pinuntirya niya ngayon nung nakatalikod po ang asawa ko at itatabi niya yung power saw, tinutukan po agad ng pulis, nung pagtutok sabay putok po yung pagtutok po na yun, tatlong sunod po agad," ani Jennifer.

Nakita rin umano ng 10-taong gulang na anak nito ang pagpatay sa kanyang ama. 

"Yung anak ko po na yun nandun po sa crime scene, siguro mga 2 dipa o 3 dipa ang layo nung anak ko...Noong narinig po ng anak na si papa niya nahingi ng tulong...Nakita po niyang nakaluhod si papa niya nag-hands-up na po sabay pinutukan na po sa batok, ilang sunod sunod na po...Tapos po nung pagputok noon, sumubsob na po yung asawa ko, yun po ang ano ng asawa ko at testigo po namin," ani Jennifer.

Depensa ng pulisya, habang nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga namumutol ng puno noong araw na iyon sa lugar ay nagsitakbuhan ang lahat pero nahuli si Delos Reyes.

Pero sa halip na sumuko ito sa awtoridad ay nang-atake pa umano ito gamit ang itak na siyang nagtulak kay Custodio na barilin si Delos Reyes.

Relieved na sa puwesto si Custodio, maging si Police Lt. Marson Lontoc, ang officer-in-charge ng Buenavista Municipal Police Station, at ngayon ay nasa ilalim ng restrictive custody.

Iniutos na ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar ang agarang imbestigasyon sa nangyari. 

Nakapagbigay na ng salaysay ang asawa ng biktima sa piskalya at umaasang makakamit ang hustisya sa lalong madaling panahon. 


- ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.