PatrolPH

Lalaki patay matapos pagtulungang tagain sa Antique

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 12:50 PM

Pinagtulungan umanong pagtatagain ng magkakapatid na suspek ang biktima na pinagbintangan umano ang kanilang mga anak na nagnakaw ng manok at nanakit ng baka sa Laua-an, Antique. Larawan mula sa Laua-an Police 
Pinagtulungan umanong pagtatagain ng magkakapatid na suspek ang biktima na pinagbintangan umano ang kanilang mga anak na nagnakaw ng manok at nanakit ng baka sa Laua-an, Antique. Larawan mula sa Laua-an Police 

Patay ang isang lalaki matapos pagtulungan umanong tagain ng magkakapatid sa Barangay Canituan, Laua-an, Antique, Martes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Freddie Berto Espino, 43-anyos at nakatira sa lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinugod umano ng tatlong magkakapatid ang bahay ng biktima para tanungin kung bakit ang mga anak nila ang pinararatangan nitong nagnakaw ng alagang manok at nanakit ng alagang baka.

Sa paghaharap ng mga salarin at ng biktima ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa mainit na pagtatalo.

Minabuti ng biktima na i-report sa pulisya ang mga pangyayari pero lingid sa kaalaman niya ay sinundan pala siya ng tatlong magkakapatid at pinagtutulungan umanong pagtatagain.

Nagtamo ng dalawang tama ng taga sa likod ang biktima at isang tama sa dibdib na kaagad nitong ikinamatay.

Samantala, nasa kustodiya na ng Laua-an police ang tatlong salarin matapos sumuko at nakatakdang sampahan ng kasong murder.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.