Retrato mula kay Chris Polig
Nasa 3 toneladang pataas na nagkakahalagang P100,000 ang hindi naibenta ng isang magsasaka sa Benguet kaya ipinamigay na lang niya ito.
Ayon kay Chris Polig, kaibigan ng magsasaka, inaabot na kasi ng 5 araw ang biyahe ng gulay mula Bakun, Benguet hanggang sa La Trinidad mula sa dating 4 na oras.
Pero pagdating sa trading post sa La Trinidad, halos sira na ang mga patatas at hindi na puwedeng ibenta kaya ilan sa mga ito ay itinapon habang ang iba'y ipinamigay.
Humaba ang biyahe matapos isara ang maraming kalsada sa Benguet dahil sa banta ng landslide o pagguho ng lupang dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan kamakailan.
:
Problema rin ng mga magsasaka sa Benguet ang mas kaunting buyer sa Metro Manila dahil sa mas pinahigpit na quarantine restrictions.
Sa datos ng Department of Agriculture sa Cordillera, umabot na sa higit P13 milyon ang mga nasirang tanim sa rehiyon dahil sa masamang panahon.
Ayon sa Hi-land Farmers Multipurpose Cooperative, nasa hanggang P40 ang itinaas ng presyo ng gulay sa Benguet dahil sa mababang supply dulot ng habagat.
Ngayong Miyerkoles, ang presyo ng kada kilo ng repolyo sa La Trinidad trading post ay nasa P40 hanggang P60, P15 hanggang P30 ang carrots, P30 hanggang P32 ang wombok, at P28 hanggang P40 ang patatas.
— Ulat ni Mae Cornes
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, patatas rehiyon, regions, regional news, Benguet, patatas, Department of Agriculture