Si Genoveva 'Bebang' Lanutan, na may edad 103, ang pinakamatandang nabakunahan sa Davao City. Retrato mula sa Davao city government
Kinilala ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang isang 103 taong gulang na babae bilang pinakamatandang fully vaccinated kontra COVID-19 sa lungsod.
Natanggap ni Genoveva "Bebang" Lanutan ang kaniyang pangalawang dose ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca nitong Martes.
Ayon kay Lanutan, nagpabakuna siya dahil hindi siya naniniwala sa mga usap-usapang masama ang dulot ng bakuna sa katawan.
Kaya hinimok niya ang ibang kumbinsihin ang kanilang mga magulang, lalo na iyong mga senior citizen na, na magpaturok laban sa sakit.
"Ang iba ay natatakot dahil sa ilang kwento sa labas na makakasama ito. Magpabakuna na para sa proteksyon sa'yo," ani Lanutan.
"Hinihimok ko rin ang mga anak na kumbinsihin ang kanilang magulang para hindi mahawa ng sakit," dagdag niya.
Ayon sa mga eksperto, bagaman posible pa ring mahawa ng COVID-19 ang mga bakunado na, maiiwasan nila ang pagkakasakit nang malubha.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na marami pang senior citizens ang mababakunahan lalo't 27,365 pa lang sa 200,000 hanggang 300,000 na senior citizens ng lungsod ang fully vaccinated.
Nakatakdang maglunsad ang Davao City ng mobile vaccination na tututok sa mga senior citizen, isa sa mga vulnerable na sektor sa COVID-19.
Batay sa Aug. 3, 2021 bulletin ng Department of Health sa rehiyon, may kabuuang 30,856 confirmed COVID-19 cases nang naitala sa Davao City, kung saan, 2,687 ay aktibo.
Sa buong bansa, 2,616,273 na ang mga fully vaccinated na senior citizens, as of Aug. 1, ayon sa pamahalaan.
— Ulat ni Hernel Tocmo
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.