Ospital, clinic sa Negros Occidental isinara para sa disinfection

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 02:29 PM

Pansamantalang isinara ang isang ospital at clinic sa Negros Occidental upang magsagawa ng disinfection nitong Lunes at Martes.

Isinara ang Don Salvador Benedicto Memorial District Hospital sa La Carlota City nitong Martes ng umaga matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang doktor na bumisita sa ospital.

Apat na nurse at isang utility worker sa ospital ang isinailalim sa swab test at nag self-isolate.

Nitong Lunes, isinara ang Lying-in and Emergency Clinic sa Cadiz City matapos mamatay ang isang pasyente na itunuturing na suspected case ng COVID-19.

Ayon kay Cadiz Mayor Salvador Escalante, mula sa Bacolod City ang pasyente at dinala sa emergency clinic dahil lumalala ang kondisyon nito. Idineklara itong dead on arrival.

May sakit na ang pasyente mula pa noong Enero nitong taon, dagdag ni Escalante.

Isinailalim na sa swab test ang 5 frontliners na close contact ng pasyente.

Magbubukas muli ang clinic at ospital sa Miyerkoles.

Umabot na sa 535 ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan, base sa huling tala ng Department of Health-Western Visayas nitong Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.