Opisina ng board members, vice gov ng Negros Occ., isinara dahil sa empleyadong positibo sa COVID-19

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 07:23 PM

Pansamantalang isinara ang bahagi ng Provincial Capitol ng Negros Occidental para sa disinfection matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang empleyado rito. Larawan ng Negros Occidental PIO

Pansamantalang isinara ang second floor ng south wing ng Provincial Capitol ng Negros Occidental matapos magpositibo sa COVID-19 ang staff ng isang board member.

Nasa naturang bahagi ng Kapitolyo ang opisina ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ng Vice Governor.

Lunes nang pansamantalang isara ang ikalawang palapag ng gusali.

Ayon kay Atty. Maki Ascalon, ang Sangguniang Panlalawigan secretary, isang 24 anyos na babae na taga-Bacolod City ang nagpositibo sa virus.

Isinagawa na ang disinfection.

Dagdag pa ni Ascalon, Hulyo 24 pa huling nag-report sa trabaho ang nagpositibong staff dahil isinailalim na rin sa lockdown ang kanilang bahay dahil sa kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Sumailalim na sa swab test ang mga kasamahan sa opisina ng pasyente at maging ang board member.

Ang 45 na iba pang empleyado ng mga opisina ay isinailalim naman sa home quarantine hangga't sa lumabas ang resulta ng swab tests.

Kung magnegatibo sa virus ang mga isinailalim sa swab test ay posible bumalik na sa normal ang operasyon ng mga opisina sa Huwebes, ayon kay Ascalon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.