Balik-MECQ: Checkpoints muling ipinatupad sa Metro Manila, ibang probinsiya

Jervis Manahan at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 06:00 AM | Updated as of Aug 04 2020 06:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Muling nagpatupad ng mga checkpoint sa iba-ibang kalsada papasok at palabas ng Metro Manila kasabay ng pagbabalik sa capital region at mga karatig-probinsiya sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Pagpatak ng hatinggabi ng Martes, binuksan ng mga pulis ang iba-ibang checkpoint sa Metro Manila para ipatupad ang MECQ.

May mga nag-inspeksiyon sa mga sasakyan sa mga lansangan, tulad sa Marcos Highway at Alabang-Zapote Road sa Las Piñas.

Mayroon ding nagbantay sa internal checkpoint sa pagitan ng mga lungsod ng Metro Manila.

Sa isang checkpoint sa Buendia, Pasay, naabutan ang mga jeep at taxi na naghabol ng biyahe bago ipagbawal ang pampublikong transportasyon.

Pero pinaalalahanan lang ang mga tsuper at pinadaan ng checkpoint.

Sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City, hindi pinapadaan ang mga overloaded na sasakyan, may mga mataas na temperature, at mga hindi awtorisadong bumiyahe.

Dumami ang mga sasakyan pagsapit ng umaga dahil sa pagpasok ng mga frontline at essential workers.

Hiwalay naman ang lane ng mga pribadong sasakyan at mga truck na may dalang cargo sa checkpoint sa bungad ng Manila-Cavite Expressway sa Parañaque.

Para mapabilis ang inspeksiyon, nagpapakita na agad ang mga motorista ng kanilang ID, quarantine pass o rapid pass.

May ilan namang napilitang maglakad papuntang trabaho dahil walang masakyan.

Ayon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, tanging authorized persons outside of residence ang maaaring tumawid ng lungsod. Ang iba ay hanggang sa loob lang ng kanilang komunidad maaaring bumiyahe para bumili ng pangangailangan.

Sa Maynila, ibinalik na rin ang paghingi ng quarantine pass para makapasok ng palengke pero may odd-even scheme ito.

Tatagal hanggang Agosto 14 ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, na ipinatupad ng gobyerno kasunod ng hiling ng health workers na higpitan ang lockdown dahil sa pagdami ng mga pasyenteng may COVID-19. -- May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.