Nanindigan ang isang grupo ng mga doktor na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng rapid antibody test para malaman kung ang isang tao ay may COVID-19, lalo na't maaaring mali ang resulta nito.
Rapid test ang ginagamit para mabilisang matukoy kung may COVID-19 ang isang tao, at makabalik ito sa trabaho o makabiyahe.
"Dapat ihinto na 'yang rapid antibody test na 'yan," ani Antonio Dans ng Philippine Society of General Internal Medicine.
"Hindi naman 'yong virus ang nakikita niya eh. Ang nakikita niya 'yong antibody. So kung kalahati ng may COVID, hindi nakikita, ano'ng mangyayari? Kakalat sila sa lipunan," paliwanag niya.
Noong Abril, naglabas ng position statement ang Philippine College of Physicians (PCP) at Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases.
Sinabi ng mga grupo na hindi nila nirerekomenda ang paggamit ng rapid test bilang paraan ng pagbantay at pag-detect kung sino ang tinatamaan ng virus. Ang hakbang na dapat anilang gawin ay contact tracing.
Mas inirerekomenda ng mga grupo ang paggamit ng rapid antibody test habang bumababa na ang mga kaso.
Ayon naman kay PCP President Mario Panaligan, may 3 karaniwang test na ginagawa: ang real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) test, viral antigen test at rapid test.
Ang RT-PCR at viral antigen ay parehas kumukuha ng sample mula sa isang tao sa pamamagitan ng swab. Ang dini-detect nito ay ang virus na nasa loob ng katawan.
Ang rapid test naman ay gumagamit ng sample ng dugo para alamin kung may antibodies na ang katawan laban sa sakit, na indikasyon na nagkaroon na ng impeksiyon.
Dahil mura at mabilis lumabas ang resulta ng rapid test, ito ang kalimitang ginagawang requirement sa mga bumabalik sa trabaho kundi pati sa mga umuuwi sa mga probinsiya — bagay na, ayon kay Panaligan, maaaring naging sanhi ng pagkalat ng virus.
"Kasi ginawan nila ng mga rapid test sa LSIs (locally-stranded individuals) dati tapos pinauwi, tapos nagkaroon ng clusters sa probinsiya," ani Panaligan.
"Using a test for a purpose na hindi naman po 'yon ang purpose niya will create a false level of security," sabi naman ni Aileen Espina ng Philippine Society of Public Health Physicians.
Dahil mahal at hindi naman talaga kakayanin ng isang tao na gawing madalas ang pagsasailalim sa RT-PCR test, may iba pang paraan para mabantayan ang kalagayan ng isang tao na hindi nangangailangang maglabas ng pera.
"Suggestion namin, symptom check and exposure check. Dalawang tanong sa bawat manggagawa," ani Dans.
Ayon sa mga doktor, naiparating na nila sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kanilang posisyon.
Sinabi ng mga doktor na bukas ang IATF na muling pag-aralan ang paggamit sa rapid tests at hinihintay na lang nila ang rekomendasyon mula rito. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, kalusugan, COVID-19, rapid test, rapid antibody test, Philippine Society of General Internal Medicine, Philippine College of Physicians, COVID-19 test, coronavirus Philippines update, TV Patrol, Raphael Bosano