6 frontliners sa Iligan City nagpositibo sa COVID-19

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 05:19 PM | Updated as of Aug 04 2020 05:32 PM

Nauna umanong nagkasakit ang isang district nurse ng Iligan City. Sa 39 direct contact nito, lima ang nagpositibo rin sa COVID-19. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY - Anim na medical frontliner ang nasa treatment facility ngayon ng lungsod matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sinabi ni Dr. Cherlina Cañaveral, ang City Health Officer, isang district nurse ang nagkaroon ng sintomas ng sakit kaya nagpa-test ito. 

Ayon sa lokal na Inter-Agency Task Force on COVID-19 response, nakuha nito ang sakit mula sa asawang umuwi matapos ma-stranded sa Maynila. 

Negatibo sa COVID-19 ang kaniyang asawa noong na-rapid test kaya pinayuhang mag-home quarantine. 

Pero lumabas na ang mga sintomas ng virus noong patapos na ang quarantine period nito. 

Sa 39 na direct contact ng district nurse, lima rito ay positibo rin sa sakit at lahat sila ay health workers na nasa kaniyang pamamahala. 

Tine-trace na rin ang mga direct contact ng lima pang nagpositibo sa sakit. 

Pinag-aaralan naman ng lokal na IATF kung ano ang gagawin sa mga pamilyang napuntahan ng mga nagpositibong frontliner noong namigay sila ng bakuna kontra polio sa limang barangay dito. 

"Patuloy ang ating contact tracing. So far, wala pa namang bata," sabi ni Dr. Canaveral. 

Kasalukuyang isinailalim sa rapid containment ang bahagi ng limang barangay kung saan nakatira ang frontliners. 

Ayon kay Jose Pantoja, ang City Information Officer, wala munang pinapayagang makapasok o makalabas dito hangga’t may local transmission. 

Pansamantalang isinara din ang City Health Office upang isailaim sa disinfection. 

Sinisikap naman ngayon ng LGU na makahanap ng hahalili sa mga medical frontliners na nagkasakit at naka-quarantine upang hindi matigil ang serbisyo ng opisina. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.