Tunog ng kampana sa Itbayat nagsisilbing pag-asa matapos ang mga lindol

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2019 12:47 AM

Isang linggo matapos ang serye ng mga lindol na puminsala sa bayan ng Itbayat, Batanes, ay paunti-unti nang bumabangon ang mga Ivatan.

Maaalalang noong nakaraang Sabado ay niyanig ng magkakasunod na lindol ang Batanes kung saan 9 ang patay at nasa 60 naman ang sugatan.

Pero hiling ng ilan sa kanila, maipatayo muli ang kanilang simbahan na nawasak dahil sa mga pagyanig. 

Hindi napigilan ng kampanerang si Aurelia Ponce na umiyak habang pinapatunog ang kampana mula sa gumuhong bell tower ng Nuestra Señora del Rosario Parish church.
 
Pero kahit na delikado, tuwing alas-5 ng umaga, nagtutungo si Ponce kung saan bumagsak ang kampana para paulit-ulit itong patunugin.

Ang mga ingay raw na nililikha ng kampana ay nagbibigay ng lakas sa mga Ivatan para mabuhayan ng loob sa gitna ng kalamidad na hinaharap.

"Itong bell na ito ay puso at kaluluwa ng simbahan," aniya.

Sabi ni Ponce, hindi niya akalain na sa haba ng panahon na pagiging kampanera niya ay ganito ang kalalagyan ng kampana.

Gayunpaman, naniniwala siyang pagsubok lamang lahat ng ito.

"Hindi punishment ito kundi paalaala lang na kung sino man ang lumayo sa Kaniya, manumbalik," sabi ni Ponce. 

Sa misa nitong umaga ng Sabado, sinabi ng parish priest na may mga handang tumulong para maipatayong muli ang 18th century na simbahan.

"Ide-demolish siya at magpapatayo ng mas matibay pero ganoon pa rin ang hitsura kasi identity na ito ng Itbayat," ani Father Rolly Olango.

Nagsimula na rin bumangon ang mga Ivatan kahit na maya’t maya pa rin ang aftershocks.

Bukod sa pagiging matatag, isa pang kahanga-hanga sa mga Ivatan ay ang pagdadamayan kahit na pare-parehong naging biktima ng kalamidad.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.