PatrolPH

2 motoristang nakikidaan sa subdivision nag-amok matapos hingan ng ID

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2019 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Dalawang insidente ng pagwawala at panunutok ng baril ng 2 lalaki sa mga sekyu ang naitala sa isang subdivision sa Las Piñas. 

Sa kuha ng CCTV noong Hulyo 27, kita ang pagwawala ng lalaki na papasok sana sa isang gate ng BF Homes Subdivision. 

Nakipagsigawan pa ito sa guwardiya at nagpanggap na bubunot ng baril dahil lang hinihingan siya ng ID bago papasukin. 

Sa pagresponde ng pulis, aligaga pa rin ang suspek na nanduro pa ng ilang security personnel. 

Dinala sa istasyon ng pulisya ang lalaki pero pinakawalan din kalaunan. 

"He claims to be a resident but he was not able to show any [proof]. Ang pinakita niya ay isang California license because he claims to have just been from the States," sabi ni Vern Madamba, director ng BF Federation of Homeowner Associations, Inc.

Pasado alas-10 ng gabi naman noong Agosto 1, hiningan din ng ID ng sekyu ang isang lalaking tangkang papasok sa parehong subdivision. 

Inaabot ng guard ang gate pass kapalit sana ng ID pero nagulantang ito na baril ang binunot ng suspek. 

Umalis ang guwardiya para humingi ng back-up pero sinundan pa siya ng lalaki. 

Kinilala ang suspek na si Peter Arriola. Nagpakilala siyang police major pero hindi umano ito miyembro ng pulisya o militar. 

"Upon verification, hindi naman siya police or military... We are also checking if we can file a case against him for illegal possession of firearms," sabi ni Police Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas police. 

Kasalukuyang nakapiit sa Las Piñas City Jail si Arriola at nahaharap sa kasong grave threat. 

Inamin naman niyang mainit ang ulo niya at nakainom siya noong gabing nanutok siya ng baril. 

Nagbukas ang BF Homes ng kanilang gate para makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko, pero apela ng homeowners, huwag naman umanong abusuhin ito ng mga motorista.

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.