PANOORIN: Raid sa bahay ng Ozamiz vice mayor

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 08:00 PM | Updated as of Aug 04 2017 10:52 PM

Inilabas na ang ilang kuha ng CCTV sa bahay ni Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog nang mangyari ang raid noong nakaraang Linggo. 

Nakakuha ang ABS-CBN ng umano'y kuha sa CCTV sa loob ng bahay ni Vice Mayor Parojinog habang isinasagawa ang raid.

Makikita sa video na nakadapa ang dalawang tao. Isa sa mga ito ang babaeng maiksi ang buhok na pinaniniwalaang si Vice Mayor. 

Sumisilip ito habang nakataas ang ulo, pero pinayuyuko siya ng isang tao. 

Sa isang kuha rin ng CCTV sa loob ng bahay, mayroong pulis na paakyat sa hagdan dala ang isang mahabang armas at pinunasan niya ito gamit ang isang tela. 

May kuha rin na nag-uusap ang mga pulis sa tabi ng isang pinto malapit sa hagdan. May hawak silang baril at isang maliit na bagay. 

Ipinakikita naman sa isa pang kuha ng CCTV ang eksena sa loob ng kuwarto ni Vice Mayor na umano'y tinangkang isubo ang papel habang nagpupumiglas. 

Nakakita ng probable cause ang Department of Justice para kasuhan si Vice Mayor Parojinog at kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. 

Inilagay naman sa immigration watchlist si Councilor Ricardo 'Ardot' Parojinog. 

Raid sa isa pang bahay ng Parojinog

Tinutukan ng baril ang bisita at tinaniman din daw ng mga pampasabog at ilegal na droga ang bahay na ni-raid ng mga pulis sa Ozamiz City na pinagsususpetsahang pag-aari ng mga Parojinog. 

Ito ang sinabi ng isang nagpakilalang testigo sa raid sa loob ng bahay ni Councilor Ricardo 'Ardot' Parojinog. 

Ikinuwento ni alyas 'Joe' sa pamamagitan ng telepono ang ginawang raid sa bahay ni Councilor na kasama sa mga binigyan ng search warrant noong Linggo. 

Ayon kay 'Joe', halos alas-4 ng madaling araw nang pumasok ang mga pulis sa bahay. 

Inakyat ng mga pulis ang bakod at nagsagawa ng raid, ngunit hindi daw sinabi kung anong klaseng raid. 

Armado ng mga machine gun ang mga pulis na nagsisisigaw sa mga taong naroon. Mayroon din umano silang hinahanap sa lahat ng sulok ng bahay. 

May tinatanong din daw ang mga pulis sa kanya sa salitang Bisaya pero hindi niya ito naintindihan. Nang hindi siya makasagot, ilang beses daw siyang hinataw ng mga pulis. 

Sinabi rin ni 'Joe' na hindi niya alam kung nasaan ang hinahanap ng mga pulis na si Ardot. Sinabi rin niyang nagbabakasyon lang siya roon sa bahay, ngunit hindi siya pinaniwalaan ng mga pulis.

Pinosasan umano siya at sinuntok ng mga pulis sa ulo at sa tagiliran. Paulit-ulit din siyang tinutukan ng baril sa mukha. 

Nakiusap din umano siya sa mga pulis, at sinabing wala siyang alam. 

Dinala rin daw si 'Joe' sa isang madilim na kuwarto kung saan itinutok ang baril sa kanyang likod. Nang kinalabit na raw ang gatilyo, hindi umano ito gumana. 

Hinalughog din daw ng mga pulis ang bahay, sinira ang CCTV, at pinatay ang circuit breaker. 

Sinabi rin niyang tinaniman ng mga pulis ng pampasabog ang bahay, at mga drug paraphernalia naman sa kuwartong tinutuluyan niya. 

Tumagal umano nang ilang oras ang mga pulis sa bahay ni Ardot bago sila dinala sa farm ni Mayor Aldong kung saan may isa pa umanong itinumba ang mga pulis, at pagkatapos ay dinala na sila sa istasyon ng pulis. 

Tatlong araw siyang nakadetine bago pinalabas. 

Sagot naman ni Police Chief Inspector Jovie Espenido na alegasyon lamang lahat ng mga iyon. 

Dagdag pa niya, hindi na rin niya hawak si 'Joe'. Kung pinalaya man ito, Criminal Investigation and Detection Group na raw ang may alam nito. 

Nanindigan din ang Philippine National Police na hindi sila gumamit ng granada sa raid.

Galing daw ang mga ito sa kampo ng mga Parojinog, ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos. 

Hinamon din ni Carlos na iharap sa korte ang testigo. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.