Buto, nahukay sa umano'y mass grave ng Parojinog victims

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 05:53 PM | Updated as of Aug 04 2017 10:49 PM

Hinukay ng mga pulis ang dalawang lugar kung saan hinihinalang ibinaon ng mga Parojinog ang ilang taong pinatay umano ng pamilya. Ilang buto rin ang natagpuan ngunit hindi pa matukoy kung sa tao o sa hayop ang mga ito. 

Maagang tumulak ang mga pulis sa Barangay Cogon sa Ozamiz City matapos makatanggap ng tip sa umano'y mass grave ng mga Parojinog sa isang tagong lugar doon. 

Sinasabing dalawang dating balon ang tinatapunan ng mga Parojinog ng mga kalaban nila na kailan lamang ay pinatambakan ng barangay dahil sa masangsang na amoy mula rito, ayon sa mga pulis. 

Gamit ang backhoe, isa-isang hinukay ng mga awtoridad ang mga balon na may lalim na higit 60 talampakan bawat isa. 

Ayon sa kapitan ng barangay, kagawad sa lugar ang isang pamangkin ng mga Parojinog na si Marlon. Nag-resign na umano ito sa puwesto. 

Wala rin daw alam ang kapitan sa ginagawa ng mga Parojinog sa mga balon. 

Tinutugis na rin ng mga pulis si Marlon na miyembro umano ng notoryus na 'Martilyo Gang'.

Matapos ang ilang oras na paghuhukay, sinuyod na ng mga pulis ang mga nahukay na sako at basura sa mga balon. 

May natagpuan silang mga buto, pero hindi sigurado kung sa tao o hayop dahil nagkapira-piraso na ang mga ito.

Dadalhin nila ito sa crime lab upang masuri ng mga eksperto. 

Sisilipin ulit ng mga pulis ang iba pang lugar na posibleng pinagtapunan din umano ng mga kalaban ng mga Parojinog sa mga susunod na araw.

Samantala, sa unang pagkakataon ay nagpulong sina Chief Inspector Jovie Espenido at ang tumatayong mayor ng Ozamiz ngayon na si Irene Luansing.

Nangangamba umano sa kanyang seguridad si Luansing na pinsan ng asawa ni Mayor Aldong Parojinog. 

Gayumpaman, sinabi ni Espenido na kung wala naman itong ginagawang masama, wala itong dahilan upang matakot.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.