MAYNILA – Nakauwi na sa bansa ang 288 pang OFWs na nahuli dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento upang makapagtrabaho o manirahan sa Kuwait.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, nakabalik na sa bansa lulan ng isang chartered flight ng Philippine Airlines.
"Bawat isa diyan sa na-repatriate natin mayroon iyang specific na violation, kaso at dadalhin iyan doon upang ma-repatriate o makasuhan. Pasalamat na lang tayo na hindi sila tuluyang kinasuhan, naiuwo na natin," ayon kay OWWA deputy administrator Arnell Ignacio.
Karamihan sa mga OFW ay walang visa upang legal na makapagtrabaho kaya nakasama sa malawakang crackdown sa mga migrant workers ng gobyerno ng Kuwait.
Ngunit paliwanag ng ilang OFW na nakasama sa repatriation flight, karamihan sa kanila ay tumakas sa mga malulupit na amo dahilan para hindi maisaayos ang kanilang mga dokumento.
Kapit sa patalim na rin umano sila at patuloy na nagtrabaho kahit walang visa makapagpadala lang ng pera sa mga pamilya sa Pilipinas.
Si Henry Regala Jr., aminadong matagal na nagtrabaho sa Kuwait ng walang visa.
"Isang taon akong colorum doon. Aaminin mo, hindi naman para sa sarili ko ’yun, para sa pamilya ko rin. Gusto ko rin maginhawaan ’yung mga anak ko kaya ginawa ko iyon," ani Regala.
Tanging damit na suot lang ang naiuwi ni Regala dahil nawala umano ang kanilang bagahe habang nasa kulungan. Ibinahagi rin niya ang naranasan ng mga kasamang Pinoy habang nasa kulungan bago ang repatriation.
"Isa pang kawawa doon ’yung kasama namin na may sakit ... Hindi siya makalakad ng diretso. Sinasabi namin (sa mga pulis) may sakit siya, hinataw siya sa dibdib. Hindi na kami umiimik kasi baka lahat kami madamay," dagdag pa ni Regala.
Nagpapasalamat naman si Nida Reyes na ligtas siyang na nakauwi muli sa Pilipinas.
“Sobra po akong nagpapsalamat, unang una po sa Diyos. Marami pong salamat kasi makakasama ko na po ang pamilya ko. Sobrang hirap po sa mga katulad naming OFW, pagod, puyat, kulang sa pahinga. Talagang napakahirap po, pero tinitiis po namin lahat para sa pamilya. Kahit po malayo kami, lumalaban kami para sa kanila,” aniya.
“Kaya ako tumakas sa amo ko dahil po ako’y muntik nang halayin ng anak ng amo ko. Gusto ko i-send lahat ng message sa amo ko pero natatakot ako baka hindi ako paniwalaan. Nagawa ko na lang po tumakas sa mga amo ko. Na-ospital pa po ako dahil po na-depress ako. Nagtrabaho pa rin po ako kahit na alam ko na delikado, hindi ko po alam na isang araw mahuhuli ako ng pulis pero patuloy pa rin po akong nagtatrabaho para po sa mga anak ko.”
Si Jocelyn Eje, tumakas din sa kanyang amo at nagpasaklolo sa Embahada ng Pilipinas.
“Nitong huli hindi ko na kinaya kasi ibebenta po ako ng amo ko sa iba na naman, tapos hindi ko alam kung ano maging ugali dahil sa amo ko nga tinitiis ko na lang. Wala akong nagawa, tumakas na lang, nagpunta ako Embassy kahit wala akong dala,” aniya.
Si Maria Cecilia Tumulak, nahiwalay sa kinakasamang Pakistani na nahuli rin dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento. Kasama rin niyang umuwi sa bansa ang anak na lalaki na wala pang isang buwan.
“Bawal doon manganak ng walang papel. Nanganak ako sa ospital nila, pero pagkatapos ng panganak may kulungan sila doon ng mga walang papel. Magbibigyay naman ang CID nila ng extension kung may mga papel kami kaso nga po, nahuli din iyong asawa ko. Matagal kasi ang Cenomar sa totoo lang, matagal ang Cenomar ng Pilipinas papunta sa Kuwait,” ani Tumulak.
Nagpasalamat din si Maribeth De Vera na matapos ang 11 taon ay nakauwi na sa Pilipinas.
“Makakapiling ko na po ang pamilya ko na 11 years walang uwi, dahil doon gusto ko lang makatapos ang anak ko, makapagpagawa ng bahay. Tapos ang mga Kuwaiti, hindi maganda ang pakikitungo nila, ’yung mga day off hinuhuli nila,” ani De Vera.
Umaasa naman si Reyes na makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
“Gusto ko pa rin po magtrabaho, pero hindi na po sa Kuwait kasi kailangan ko po lumaban para sa pamilya ko, kahit ganu’n kahirap ang naranasan ko. Pero kung OK naman po na dito na lang ako para makasama ko sila, kahit may kaunting financial (na tulong), dito na lang, para po hindi ko na ulit maranasan yung naranasan ko,” ayon kay Reyes.
Tiniyak naman ni Ignacio ang suporta mula sa OWWA.
“Sisilipin natin kung ano yung kanilang mga estado at kung saan sila magfi-fit na programa ng OWWA. ’Yung mga mag-stay na dito, mayroon tayong mga reintegration programs, mayroon pa tayong Tulong Puso, lima sa kanila na makaisip na magkaroon ng negosyo, financial support starts at P50,000 up to P1,000,000,” ayon kay Ignacio.
“Scholarship ng mga anak nila, maraming namomroblema, mayroon tayong scholarship programs para sa kanila. Basta dumating lna iyan dito, sinasabi ko lang, manalig lang kayo, have faith, kami bahala.”
Agad ding binigyan ng pamasahe ng OWWA ang mga umuwing OFW upang makauwi na sa kanilang mga pamilya. - Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.