Inirekomenda ngayong Miyerkoles ng isang toxic and waste watchdog group ang pagkakaroon ng module na magpapaigting ng pagtuturo ng toxic waste at waste segregation sa mga mag-aaral sa basic education.
Hangad ng grupong Ban Toxics na mabigyang diin ang pagtuturo tungkol sa kaligtasan ng mga bata at komunidad mula sa exposure sa ano mang lason, at ang pangangasiwa ng basura sa pamamagitan ng waste management.
"Maganda ito masama sa curriculum ng mga bata," sabi ni Thony Dizon ng Ban Toxics, na lumahok sa Brigada Eskwela ng San Antonio Elementary School sa Quezon City.
Nagkaroon ng kasunduan ang Ban Toxics at San Antonio Elementary School hinggil sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano magiging "toxic free" ang paaralan.
Isinusulong din ng grupo ang "green procurement policy." Halimbawa nito ay ang paghingi ng donasyong "lead-safe paint" ng eskuwelahan sa halip na ordinaryong pintura.
Nasa 500 estudyante, guro at iba pang miyembro ng komunidad ang nakilahok sa Brigada Eskwela sa nasabing paaralan.
"Masaya ako kasi makikita ko na rin mga kaklase ko," sabi ng estudyanteng si Kimberly Alentejo ukol sa pagbabalik-eskuwela sa Agosto 22.
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.