PatrolPH

Ilan pang LGU namigay ng bigas sa mga magpapabakuna vs COVID

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2022 01:20 PM

 Namimigay ng bigas ang lokal na pamahalaan ng Carmona, Cavite bilang insentibo sa mga nagpapabakuna at nagpapa-booster kontra COVID-19. Retrato mula kay Mayor Dahlia Loyola
Namimigay ng bigas ang lokal na pamahalaan ng Carmona, Cavite bilang insentibo sa mga nagpapabakuna at nagpapa-booster kontra COVID-19. Retrato mula kay Mayor Dahlia Loyola

Nadagdagan pa ang mga local government unit (LGU) na nagbibigay ng bigas para himukin ang mga residente na magpabakuna at magpa-booster kontra COVID-19.

Isa rito ang lokal na pamahalaan ng Carmona sa Cavite na nais hikayatin ang mga residenteng magpaturok kontra COVID-19 sa harap ng tumataas na bilang ng mga bagong kaso.

Limang kilong bigas ang ibinibigay ng Carmona LGU sa bawat pamilya na may 4 na miyembrong tatanggap ng bakuna.

Dinadala rin umano sa mga kompanya sa bayan ang mga bakuna upang maibigay ito sa mga empleyadong madalas abala sa trabaho.

Watch more News on iWantTFC

Namamahagi rin ng ayuda ang municipal social welfare department ng Infanta, Quezon, kung saan nakaabang mismo sa vaccination site ang libreng bigas para sa mga magpapabakuna.

Pareho ang diskarte sa Cabuyao, Laguna kung saan may pangakong bigas din ang LGU sa mga pamilyang kumpleto ang bakuna, bagaman hindi pa inilalabas ang panuntunan kaugnay rito.

Nauna nang naglunsad ng "PinasLakas" campaign ang Department of Health (DOH) para palakasin ang pagtuturok ng booster shot bilang dagdag proteksiyon laban sa COVID-19.

Sa huling datos mula sa DOH, 71 milyon na ang fully vaccination sa bansa habang 16.2 milyon ang tumanggap ng booster dose.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.