Kontrolado pa ang bilang ng mga pasyenteng nasa Lung Center of the Philippines dahil sa COVID-19, ayon sa isang doktor doon.
Ayon kay Dr. Randy Joseph Castillo, pinuno ng COVID Triage ng Task Force ng nasabing ospital, mababa pa ang bilang ng mga naka-admit na pasyente sa kanilang pagamutan.
“Yung admission, I think we’re still under control ‘no, nasa mga 30 percent lang ang ating occupancy.”
Karamihan aniya sa mga naka-admit sa ospital ay mga hindi bakunado o hindi pa nakakakuha ng kanilang booster.
“Kaya talagang lagi naming sinasabi at nakikita namin sa trend na talagang yung mga pasyenteng nag-booster, lalo na kung naka-2 na…sila po talaga yung mga hindi naa-admit,” ani Castillo.
Inanunsiyo ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapasok na sa bansa ang mas nakahahawang COVID-19 omicron BA.2.75 subvariant.
Nasa 24,100 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa mula Hulyo 25 hanggang 31, batay sa pinakahuling datos mula sa DOH.
Sa kabuuan, nasa 3,780,178 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula 2020, habang nasa 60,737 ang death toll, ayon sa ahensya.
— TeleRadyo, 3 Agosto 2022