PatrolPH

Metro LGUs patuloy ang paghahanda para sa ECQ simula Aug. 6

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2021 03:10 PM | Updated as of Aug 03 2021 08:42 PM

Metro LGUs patuloy ang paghahanda para sa ECQ simula Aug. 6 1
Namamahagi na ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ng quarantine passes bilang paghahanda sa enhanced community quarantine sa Kamaynilaan simula Agosto 6 hanggang 20, 2021. ABS-CBN News

MAYNILA (2ND UPDATE) - Nagpapatuloy ngayong Martes ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon simula ngayong Biyernes, Agosto 6.

Isasailalim ang National Capital Region sa ECQ o ang pinakamahigpit na lockdown hanggang Agosto 20 dahil sa bantang dulot ng COVID-19 Delta variant. 

Patuloy ang paghihigpit ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa harap ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar. 

Biglaang nagkaroon ng inspeksiyon ang local government unit nitong Lunes sa mga barangay na E. Rodriguez, Pinyahan, at Central kung saan 19 ang nahuli sa paglabag sa health protocols. 

Umabot naman sa 25 ang mga naka-lockdown nitong linggo, mula sa 15 noong nakaraang linggo. 

Nadagdagan din sa 11 ang kanilang COVID-19 Hope Facility mula sa dating 4. Nagpapatuloy rin anila ang ginagawang pagbabakuna. 

Ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ay magpapatuloy sa pangangalap ng pondo para sa mga residenteng maaapektuhan ng lockdown, sa harap ng hirit ng labor group na agad na ipamahagi ang ayuda.

Watch more on iWantTFC

"Kami po sa LGU, naghahanap din kami ng pondo para magkaroon din po ng ayuda ang ating kababayan. In fact, ang Parañaque po kanina, nag-meeting kami ng aming finance committee, pati budget officer at treasurer. Nag-allocate na rin po kami ng pondo para magbigay ng ayuda," ani Mayor Edwin Olivarez.

Ayon kay Olivarez, na chairman rin ng Metro Manila Council, mag-iisyu na rin ng quarantine pass ang mga LGU. 

Ang Valenzuela City, sinimulan na ang pamimigay ng quarantine pass sa Barangay General T. De Leon na pinakamalaking barangay sa lungsod. 

Nag-house-to-house na rin ang mga tauhan ng barangay para tiyaking maayos na maibigay ang bagong quarantine pass. 

Iniiwasan kasi ng barangay ang pagkukumpulan ng mga residente lalo kung lalabas pa ng kanilang mga bahay. Isang quarantine pass kada bahay ang ibinibigay. 

Sa Malabon City, puwedeng gamitin ng mga residente ang mga nakaraang inisyu ng barangay. Pero kung nawala ito ay maaaring mag-request ng bago. 

Nagpapatuloy rin ang pag-monitor ng lungsod sa mga kaso ng COVID-19 lalo't naitala ang apat na kaso ng Delta variant. 

Sabi ni Malabon City information officer Bong Padua, dalawa sa mga ito ay nakarekober na habang naka-quarantine pa ang dalawa na kapwa asymptomatic. 

Magbabahay-bahay rin ang mga barangay officials ng San Juan City simula Huwebes, Agosto 5, para mamahagi ng quarantine pass ng lungsod.

 

Sa isang pahayag sa official Facebook page nito, sinabi ng pamahalaang lungsod na isang quarantine pass lang ang ibibigay bawat pamilya "upang malimitahan ang bilang ng mga tao na lalabas para bumili ng pagkain at gamot."

Ang mga APOR o Authorized Persons Outside their Residence naman ay hindi na raw mangangailangan ng quarantine pass ng lungsod.

"Ipakita lamang ang inyong ID na nagpapatunay na kayo ay nagta-trabaho sa mga establisyemento na pinapayagang magbukas ngayong ECQ," ayon sa pahayag.

Ipatutupad rin ng San Juan City ang liquor ban simula Huwebes.
 

 

Magpapatuloy naman ang bakunahan sa Makati kahit mag-ECQ. Kailangan lang anila ipakita ang vaccination schedule o appointment para payagang lumabas. 

May nakahanda na ring ayuda para sa mga magiging apektado ng lockdown. 

Nauna nang sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na ang pagpapatupad ng liquor ban ay nasa bawat LGU.

Sinabi rin niyang ang curfew hours sa buong Kamaynilaan ay magsisimula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw sa kabuuan ng ECQ period. 

IBA PANG ECQ REGULATIONS

Ayon kay Olivarez, nagkasundo rin ang mga alkalde na marami sa mga polisiya sa ECQ noong Marso ay ipapatupad ngayon. 

Pero ngayon ay magpapatupad aniya sila ng quarantine control point para lalo pang higpitan ang pagkilos ng mga hindi APOR. 

Kung nawala naman anila ang quarantine pass ay maaaring kumuha ulit sa barangay. 

Papayagan ding lumabas ang mga magpapabakuna lalo na ang mga naka-second dose basta't dalhin lang ang vaccination card. 

Bawal naman lumabas ang mga senior maliban sa mga walang kasamahang bata sa bahay. Bibigyan lang aniya sila ng certificate mula sa barangay. 

"'Yung mobility talaga ang susundin natin. Kung may supermarket naman sa Parañaque bakit ka pa pupunta sa Caloocan? Du'n ka na lang sa city mo," ani Olivarez. 

Nagpapatuloy rin ang briefing ng mga alkalde sa kanilang mga lider ng barangay para mailabas na at maianunsiyo ang panibagong guidelines. 

-- May mga ulat nina Jeck Batallones at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.