PatrolPH

Lola na tumangging ibenta ang kanyang kalabaw, binaril sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2021 02:52 AM

Sugatan ang isang lola matapos umanong barilin ng hindi pa nakikilalang salarin noong Biyernes ng gabi sa Purok 10, Barangay Poblacion, bayan ng Magsaysay, Davao del Sur.

Batay sa ulat ng pulisya, pumunta sa may ilog si Tedora Chavez para kunin ang kanyang kalabaw na saglit pinakawalan.

Mayroong umanong isang hindi pa nakikilalang lalaki ang lumapit sa lola at nagtanong kung ibinebenta ba nito ang kalabaw.

Pero sumagot ang biktima na hindi niya ito ibinebenta, at bigla na lamang namaril ang suspek sa biktima.

Agad na tumakas ang salarin habang dinala sa Davao del Sur Provincial Hospital ang biktima.

Nagtamo ito ng dalawang tama ng baril sa kaliwang bahagi ng tiyan at nagpapagaling ngayon sa ospital.

Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang salarin sa krimen. Inaalam na rin ang motibo sa likod ng pamamaril.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.