Quarantine passes muling gagamitin sa balik-MECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 04:51 PM | Updated as of Aug 03 2020 06:59 PM

Muling iiral ang paggamit ng quarantine pass sa muling pagsasailalim sa Metro Manila at ilang karatig-probinsiya sa modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, muling ibabalik ang paggamit ng quarantine pass lalo at layon ng MECQ na limitahan ang mga lalabas ng bahay.

Ipinauubaya na ng DILG sa mga local government unit kung paano ipatutupad ang quarantine passes, sabi ni Año.

Inaprubahan noong gabi ng Linggo ni Pangulong Duterte ang pagsasailalim sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa ilalim ng MECQ simula Agosto 4 hanggang Agosto 18.

Kasunod ito ng panawagan ng mga grupo ng health care workers na muling isailalim sa ECQ ang Metro Manila para makahinga umano ang mga ospital dahil sa dami ng mga pasyente ng COVID-19.

Sa ilalim ng MECQ, dapat manatili sa bahay ang lahat, lalo na iyong may edad 20 pababa at 60 pataas, mahina ang immunity, buntis, at may matagal nang iniindang kondisyon o sakit.

Papayagan lang lumabas ang mga bibili ng essential goods tulad ng pagkain o gamot, frontliners, at mga nagtatrabaho sa mga pinapayagang industriya.

Puwede ang individual outdoor exercise tulad ng walking, jogging, running at biking.

Ipinagbabawal naman ang mass gathering o pagtitipon ng maraming tao, maliban sa religious gathering na hanggang 5 tao, at awtorisadong government at humanitarian activities o pagbibigay-tulong.

Muli ring maglalagay ng checkpoints sa boundary ng mga lungsod at probinsiyang isasailalim sa MECQ.

Noong Linggo, umakyat sa 103,185 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitatala sa Pilipinas, base sa datos ng Department of Health.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.