Misa at bulaklak inalay sa mga biktima ng Iloilo Strait tragedy makalipas ang isang taon

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 07:19 PM

Nag-alay ng mga bulaklak ang mga kaanak ng mga biktima ng trahedya sa Iloilo Strait isang taon na ang nakalilipas sa ginanap ngayon Lunes na pag-alala sa insidente.

BUENAVISTA WHARF, Guimaras— Isang misa ang idinaos ngayong Lunes sa pantalang ito bilang pag-alala sa trahedya sa Iloilo Strait noong Agosto 3 ng nakaraang taon kung saan tatlong bangka ang tumaob sa kasagsagan ng malakas na hangin at ulan na ikinasawi ng mahigit 30 katao.

Binalikan ng lokal na pamahalaan ng Buenavista, Guimaras, kasama ang mga pamilya ng ilang nasawi, ang malagim na pangyayari sa pamamagitan ng banal na misa at pag-aalay ng mga bulaklak sa dagat.

Patuloy pa rin sa paghahanap ng hustisya ang mga kaanak ng mga namatay matapos ma-abswelto sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Transportation ang dalawang opisyal at anim na personnel ng Philippine Coast Guard Iloilo at Guimaras Station.

Isa si Commander Jor Luviz Mercurio sa mga inalis sa pwesto at na-imbestigahan.

Pero nang lumabas ang resolusyon ng investigating body ng DOTr noong October 2019, napatunayang hindi nagkulang sa kanyang tungkulin si Mercurio at kanyang mga tauhan sa nangyaring trahedya.

“We were exonerated by no less than the cognizant body or investigating body, headed by the Office of the Secretary, plus of course, by the maritime investigating unit namin sa Manila, that it was brought about by the weather condition," paliwanag ni Mercurio na kasalukuyang PCG Iloilo Station Commander.

Nagsampa ng kaso sa korte ang mga kaanak ng mga nasawi sa trahedya na hanggang ngayon ay patuloy pang dinidinig.

Ilan sa hinihingi ng mga kaanak ng mga biktima ang kompensasyon at pagpapanagot sa sinumang may kasalanan sa naganap na trahedya.

Dumistansya na ang Coast Guard matapos ibunton sa kanila noon ang sisi ng mga kaanak ng namatay.

“In terms ng mga claim nila and everything, it will be settled ng association of motorbanca which, of course, nag-file na sila ng appropriate charges. And it will be determined by the proper court”, ani Cmdr. Mercurio.

Dahil sa pangyayari, nagpatupad ng mga panibagong patakaran ang Maritime Industry Authority o MARINA tulad ng pagpalit ng disenyo ng mga bangka, pagbawas sa bilang ng mga pasahero, pagbawas sa bilang at oras ng biyahe, at kaagad na pagsuspinde ng biyahe kapag masungit ang panahon kahit walang bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.