PatrolPH

Mga eksperto: Huwag gumamit ng gasolina pang-disinfect

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 02:48 PM

Nagpaalala ang mga eksperto sa publiko na huwag gumamit ng gasolina bilang panlinis at pag-disinfect dahil nakasasama ito anila sa kalusugan ng tao.

Ito ay matapos igiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo na hindi siya nagbibiro nang imungkahi niya ang paggamit ng gasolina bilang alternatibo sa mga alcohol bilang disinfectant.

Ayon sa grupo ng mga chemist, may epekto ang gasolina sa kalusugan ng tao kapag ito'y ginamit bilang panlinis.

"May sumisingaw diyan na kemikal na kapag nalanghap ng tao, makakasama sa kanilang kalusugan. Maaari po maka-cause pagkahilo o matagal exposure puwede sila mawalan ng malay, makaramdam ng pagsusuka," ani Evallyn Marielle Yan ng University of the Philippines Association of Chemistry Majors and Enthusiasts.

"Katagalan, sa mga nagbubuntis, puwede [ito] mag-cause ng birth defect," dagdga ni Yan.

Sang-ayon sa mga pahayag ni Yan ang toxicologist na si Wency Kiat.

Wala raw basehan sa siyensiya ang nagsasabing ligtas gamitin ang gasolina at kerosene bilang disinfectant.

"Kapag nalanghap mo ang gasolina, ang tawag diyan ay respiratory irritant. Nakakairita 'yan sa daanan ng paghinga natin. Lalong lalo na kapag ikaw ay may hika," ani Kiat.

"Kahit sino pa ang nagsabi, sana naman gamitin... mag-isip tayo ng tama ba o mali? Huwag tayo basta sunod-sunod, magbasa tayo," dagdag niya.

Inirekomenda ng mga eksperto na gumamit ng alcohol o kaya tubig at sabon kapag naghuhugas ng kamay para makaiwas sa COVID-19.

Kapag maglilinis ng bahay o opisina, gumamit ng bleach at iba pang alternatibo pero huwag umanong paghahaluin ang mga kemikal.

"Puwede gumamit ng bleach o household suka... pero kung sa balat ng tao, alcohol lang po," ani Yan.

"Wag haluan ng suka, alcohol. 'Di sila dapat pinaghalo. Baka 'pag naisip mo na pinaghalo 'yan, mas mabisa, mali, baka lalo ka malason kasi nagkakaroon ng chemical reaction 'yan," ani Kiat.

Nagpaalala rin ang mga eksperto na ang disenyo ng surgical masks ay dapat one-time use only.

Para sa mga gumagamit ng mga mask na gawa sa tela, tiyakin na kapag ilang beses nang nagamit o nalabhan, lumalapat pa rin ito nang tama sa mukha.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.