Metro Manila, ilang karatig-lalawigan balik-MECQ sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 01:21 PM | Updated as of Aug 03 2020 09:23 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Muling magpapatupad ang gobyerno ng mahigpit na lockdown sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan sa loob nang 2 linggo simula Martes para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa, na umabot na sa higit 100,000.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) simula Agosto 4 hanggang Agosto 18, sabi noong gabi ng Linggo ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kasunod ito ng panawagan ng mga grupo ng health care workers na muling isailalim sa ECQ ang Metro Manila para makahinga umano ang mga ospital dahil sa dami ng mga pasyente ng COVID-19.

"I have heard of different groups from the medical community for a two-week ECQ in Mega Manila. I fully understand why your health workers would like to ask for such a time out," sabi ni Duterte sa talumpati noong Linggo.

Sa guidelines na inilabas ng Department of Transportation, ipinagbabawal ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus, taxi, transport network vehicle service, at ang kababalik-pasada lang na jeepney.

Watch more in iWantTFC

Ang mga tricycle ay maaaring makalusot depende umano sa desisyon ng local government unit.

Papayagan naman ang mga shuttle na maghatid-sundo ng mga frontliner at manggagawa sa mga industriyang pinapayagan mag-operate sa ilalim ng MECQ.

Ang mga pribadong kompanya naman ay puwedeng mag-shuttle ng mga empleyado pero dapat ay may special permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Puwede namang bumiyahe ang mga pribadong sasakyan sakay ang mga awtorisadong lumabas at magtrabaho pero 4 lang sa isang kotse ang papayagan.

Puwede ring ang motorsiklo, bisikleta at e-scooter pero bawal ang may angkas.

Kanselado rin ang mga domestic flight sa Ninoy Aquino International Airport simula hatinggabi ng Martes.

Watch more in iWantTFC

Kabilang sa mga maaaring manatiling bukas ang mga supermarket, botika, bangko, at business process outsourcing firms, ani Roque.

Inihayag naman ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na maghihigpit ang mga awtoridad sa mga checkpoint sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.

Muli ring iiral ang paggamit ng quarantine pass pero ipinauubaya na sa mga local government unit kung paano ito ipatutupad, ani Interior and Local Government Secretary Eduardo Año - Wikipedia.

FRONTLINERS PINAGSABIHAN

Sa kaniyang talumpati noong gabi ng Linggo, hindi napigilan ng pangulo na pagsabihan ang mga frontliner dahil sa pagsasapubliko ng kanilang mga hinaing.

Para kay Duterte, pangmamaliit umano sa gobyerno.

Hinamon pa ni Duterte ang frontliners na totohanin ang umano'y banta na magsagawa ng rebolusyon.

"Next time, you can just ask for an audience. Pero huwag kayo magsigaw-sigaw ng revolution niyo," ani Duterte.

Agad namang itinanggi ng mga health worker na ang simpleng paglabas ng kanilang hinaing ay katumbas ng planong pag-aklas laban sa gobyerno.

Nang tanungin ang Palasyo kung saan hinugot ng pangulo ang umano ay bantang rebolusyon, inamin ni Roque na napikon ito na nauna pang malaman ng media ang hinaing ng frontliner bago ang mismong gobyerno.

Sa kabila nito, iginiit ni Roque na wala umanong isyu ang pangulo sa medical workers, lalo at pinagbigyan naman ang kanilang hiling.

Noong Linggo, umakyat sa 103,185 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitatala sa Pilipinas, base sa datos ng Department of Health.

Posibleng pumalo sa 150,000 hanggang 200,000 ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong Agosto, base sa pag-aaral ng University of the Philippines OCTA Research.

-- May ulat nina Pia Gutierrez, Jacque Manabat, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.