MECQ walang saysay kung walang bagong istratehiya vs COVID-19: mga grupo

Kristine Sabillo. ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inilagay na ng pamahalaan ang Metro Manila at ilang karatig-probinsya nito sa modified enhanced community quarantine (MECQ) matapos ang pagmamakaawa ng mga health workers na nalulunod na sa trabaho dahil sa sumisirit na COVID-19 cases. 

Bukod sa Metro Manila, MECQ na rin sa Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan simula Agosto 4 hanggang 18.

Tinanggap ng Philippine College of Physicians (PCP) ang desisyon ng gobyerno pero mas gusto sana nila kung ang pinakamahigpit na ECQ o lockdown ang ipatupad. 

"Talagang ang call namin ay ma-revert back tayo sa ECQ. Happy na kami. It is a way to tighten up the quarantine. We’re able to call the attention of government para makapag-isip-isip ang government," ani Dr. Maricar Limpin, vice president ng PCP.

Pero ayon sa grupo, may kailangan pang baguhin ang gobyerno.

Ito rin ang paniwala ng iba pang health professionals.

"What we need to do sit down, map out areas of high incidence, that's what we do in epidemiology, identify where we have stricter lockdown and movement of population. Identify areas with silent epidemic, increase number of tested (individuals)," ani dating Health Secretary Paulyn Ubial. 

"Kahit mag-ECQ pa, MECQ, GCQ o kahit anong lockdown, kung walang malinaw na komprehensibong, sistematiko at siyentipikong hakbang, sa pamamagitan ng malawakan at pabilisin ang mass testing, contact tracing at isolation para ma-contain ang virus, ay hindi pa rin masusugpo ang virus," ani Robert Mendoza, national president ng Alliance of Health Workers. 

"Yung nakita natin ang tugon ng pamahalaan ay doon lang po sa usapin ng MECQ... Wala naman po masyadong nagbabago pa sa ating mga polisiya para masugpo itong pagdami ng mga impeksyon natin sa ating bansa," ani Dr. Josh San Pedro, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health.

"Yung approach ng gobyerno sa ating health crisis and economic crisis ay isang napaka-militaristic approach," ani Dr. Edelina Dela Paz, national president ng Health Alliance for Democracy.

Hindi rin natuwa ang mga health professionals sa sinabi ng Pangulo na hindi dapat sila namamahiya sa gobyerno o nananawagan ng rebolusyon.

"Hindi kami nagtatawag ng rebolusyon. Marami na ang nagsabi na mas pagod kami ngayon kaysa noong nagtawag kami ng timeout," ani Dr. Antonio Dans, spokesperson ng Healthcare Professions Alliance against COVID-19.

"Wala naman sigurong sumigaw sa ating health workers na rebolusyon. Malinaw ang ating posisyon. We just want appropriate and concrete medical and health interventions," giit naman ni Maristela Abenojar, national president ng Filipino Nurses United. 

Umabot na sa 5,088 ang bilang ng mga health worker na nahawa ng COVID-19. Bagama't mahigit 4,500 na ang gumaling, may 394 pa na may sakit.

Ang ilang grupo naman, nanawagang magbitiw na sa puwesto si Health Secretary Franciso Duque III dahil hindi naman umano nito natutugunan ang pangangailangan ng mga frontliner.

"Si Duque po ay incompetent, walang silbi, walang kuwenta sa pag-lead ng DOH, sa pagsugpo ng COVID-19... Ang aming panawagan po, panawagan ng kabataan - agarang pagpapatalsik sa isang Pangulo na hindi kinikilala ang karapatan, ang kalusugan ng mga Pilipino," giit ni Jedmar Cueto, presidente ng Philippine Medical Students Association.

Umaasa ngayon ang mga grupo na habang MECQ ay matugunan na ng gobyerno ang kanilang mga hiling para sa dagdag na personal protective equipment, dagdag na health workers, at sapat na sahod at pahinga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.