Gov't workers na nagka-COVID-19 umabot na sa higit 8,000

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Mismong mga ahensya ng gobyerno ang humihikayat na magpatupad ng flexible working arrangements at mas pantay na distribusyon ng trabaho ang mga opisina ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga kawani nito.

Sa pinakahuling datos na nakalap ng Civil Service Commission (CSC), pumalo na sa mahigit 8,000 ang COVID-19 cases sa gobyerno.

Pinakamarami sa mga ahensyang nasa Metro Manila (5,751), Central Visayas (1,226) at Calabarzon (298).

Pero ikinabahala ng CSC ang bilang ng COVID-19 cases sa Philippine Coast Guard na nasa 631 na ngayon.

"Puwede natin i-lessen yung load ng coast guard sa airport and let the private enter. Yung mga nagsa-swab na for a fee? Let the lead agencies also do more, like OWWA," ani CSC commissioner Aileen Lizada.

Ang magandang balita naman, ayon sa PCG, 485 sa 631 ang nakarekober na kaya 146 na lang ang kanilang aktibong kaso.

Hinihikayat naman ng CSC ang iba-ibang ahensya ng gobyerno na magpatupad din ng flexible working arrangements gaya ng work from home scheme para sa non-essential workers.
    
Kung maaari, suwelduhan pa rin ang mga kontraktwal na kawaning tatamaan ng COVID-19.

Panawagan naman ng grupo ng government workers na Courage, mass testing at mass treatment sa mga kawani para na rin hindi maantala ang kanilang pagbibigay serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.