Barangay official ng San Juan ginawang negosyo ang pekeng travel pass

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 09:04 PM

MAYNILA — Timbog nitong Lunes ang isang barangay official ng San Juan City dahil pinagkakitaan daw nito ang paggawa ng mga pekeng dokumento ngayong may pandemya.

Inaresto ng San Juan Police ang 39 anyos na si Leonardo Puno, liaison officer ng Barangay West Crame, dahil sa umano'y pamemeke ng travel pass para ibenta.

Sinabi ni San Juan City chief of police Col. Jaime Santos na nakatanggap sila ng sumbong tungkol sa ginagawa ng nasabing barangay official kaya nagkasa sila ng operasyon.

Inamin ni Puno ang modus at sinabing may kakilala siya sa Recto sa Maynila na gumagawa ng pekeng travel pass.

Nasa 20 na aniya ang kaniyang nabigyan nito. Kinasuhan na siya ng falsification of public documents.


—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.