ALAMIN: Mga puwede, bawal gawin kapag MECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 03:12 PM | Updated as of Aug 03 2020 08:00 PM

MAYNILA (UPDATE) — Simula Agosto 4, Martes, hanggang Agosto 18 ay muling masasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal matapos ang pagmamakaawa ng frontliners sa pamahalaan kasabay ng pagsirit ng bilang ng COVID-19 cases lagpas 100,000. 

Magugunitang dapat general community quarantine na ang Metro Manila at iba pang karatig-lalawigan hanggang Agosto 15. 

Narito ang mga bawal at puwedeng gawin sa ilalim ng mas mahigpit na quarantine: 

Mga industriyang puwedeng magbukas

  • Production at manufacturing
  • Media
  • BPOs
  • E-commerce
  • Mining at quarrying
  • Postal, courier, at delivery services
  • Rental at leasing
  • Repair ng computers
  • Personal household goods
  • Housing service activities

Bawal na rin muli ang mga pampublikong transportasyon gaya ng mga bus, jeep, TNVS, taxis, at tren.

Dahil dito ay hinihikayat ang lahat na gumamit ng bisikleta, motor, o shuttle ng kompanya.

Nakadepende naman sa guidelines ng local government units ang pagpasada ng mga tricycle.

Pero bawal muna ang pag-aangkas sa motorsiklo.

Suspendido rin ang domestic flights sa MECQ areas habang limitado naman ang international flights. 

Mga pwedeng gawing aktibidad:

  • Jogging
  • Biking
  • Walking

Ang mga gym na kabubukas lang, sarado ulit sa MECQ, pero ang ibang negosyo gaya ng mga malls, supermarkets, botika at hardware, mananatiling bukas pero limitado lang ang puwedeng pumasok.

Bawal din muna ulit ang dine-in sa mga restoran at karinderya pero puwede ang takeout at delivery.

Ang mga salons at barbershops, magdadalawang buwan pa lang nakabukas pero kasali rin sila sa isasara kaya wala rin munang kita.

"Iyung mga negosyo naman na sarado, pasensya na po muna, 15 days lang po mapababa lang po natin ang kaso ang then we will operate again," pakiusap ni Trade Undersecretary Ruth Castelo. —May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.