PatrolPH

20 tonelada ng tilapia namatay sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 01:40 PM

Nasa 20 tonelada ng tilapia ang natagpuang patay sa bahagi ng Taal Lake sa bayan ng Laurel, Batangas.

Ibinaon na ang mga isda nitong nagdaang weekend matapos matagpuan noong Biyernes sa bahagi ng Taal Lake sa Barangay Gulod.

Ayon sa residenteng si Rose Marie Serrano, kaunti lamang ang namatay na isda ngayong taon kumpara sa 600 tonelada na naapektuhan ng fish kill noong nakaraang taon.

"Namatay po 'yong iba ay kakaunti po naman 'yon," ani Serrano.

Nauna nang ipinaliwanag ng mga eksperto na nagkakaroon ng fish kill kapag bumababa ang level ng dissolved oxygen sa tubig.

Ayon kay Gregorio Serrano, chairperson ng Barangay Gulod, hirap pa ring makarekober ang mga nanghuhuli ng isda sa kanilang lugar matapos ang sunod-sunod na kalamidad mula noong Enero.

Umaasa si Serrano na hindi na madadagdagan ang mga isdang mamamatay para umano magtuloy na ang kabuhayan ng mga kabarangay.

Magugunitang naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa may Taal Lake noong Enero dahil sa pag-alboroto ng Taal Volcano. -- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.