20 bahay sa isang barangay sa Bacolod City, naka-seal off dahil sa COVID-19

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2020 09:57 PM

BACOLOD CITY - Nasa 20 bahay sa Barangay 14 sa Bacolod City ang naka-seal off matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang barangay kagawad, ang kapatid nito, at isa pang empleyado ng lungsod.

Ayon kay Punong Barangay Karl John Magno ng Barangay 14, lumabas ang resulta ng tatlo na nagpositibo sa COVID-19 nitong Lunes.

Sumailalim sa swab test ang kagawad at ang kapatid nito noong Hulyo 24 matapos makaramdam ng mga sintomas. Nagtatrabaho sa isang ospital ang kapatid ng kagawad.

Ang empleyado naman ng lungsod ay naka-assign sa Public Order and Safety Office.

Ayon kay Magno, bukod sa pag-seal off sa 20 mga bahay na malapit sa tinitirhan ng mga nagpositibo sa COVID-19, may mga residente din sa lugar na naglagay ng harang sa kani-kanilang mga bahay bilang proteksyon laban sa COVID-19.

Batay sa pinakahuling case bulletin ng Department of Health Western Visayas ngayong Lunes, umaabot na sa 129 ang kumpirmadong COVID-19 cases sa Bacolod City, kung saan 109 rito ay mga aktibo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.