Misis patay matapos saksakin ng mister dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 02:15 AM

Isang misis ang patay matapos pagsasaksakin dahil sa selos ng mister nito sa Isabela City, Basilan nitong Biyernes.

Labing-isang beses sinaksak umano ng mister ang 38-anyos na babae sa kanilang bahay sa Barangay Diki. 

Ayon sa imbestigador ng kaso, nagkaroon ng matinding away ang mag-asawa dahil sa umano'y pangagaliwa ng babae.

Sabi ng mga kapitbahay, ito ang unang beses na narinig nilang nag-away ang mag-asawa.

Nagulat na lang umano ang mga ito nang marinig ang biktima na humihingi ng tulong at nang datnan ng mga residente nakita nila ang biktima na duguan habang may hawak na patalim ang mister nito.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero namatay din.

Nakakulong na ngayon ang lalaki sa Isabela Police Station habang inaayos na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa kanya. - Ulat ni Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.