VP Robredo, namigay ng tulong sa Eastern Samar

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 02:48 AM

EASTERN SAMAR - Namahagi ng tulong si Bise Presidente Leni Robredo sa ilang lugar sa Eastern Samar nitong Huwebes.

Namigay ng sports equipment, gaya ng bagong soccer net, si Robredo sa Salcedo Central School.

Sinubukan pa niyang sipain ang soccer ball bago umpisahan ang laro ng mga estudyante.

"Ito 'yung mga sports na nilalaro during the Palaro ng DepEd kaya hopefully makasali na 'yung Salcedo Central School sa susunod na Palaro," aniya.

Namigay rin si Robredo ng 2 solar dryers sa isang sakahan sa lugar.

Pagkatapos, nagtungo siya sa isang bundok sa Barangay Cabilla, Quinapondan at pinuntahan ang isang pamilya na nakatira sa isang barong-barong.

Binigyan ng bise presidente ang pamilya ng solar panel dahil wala pa ring kuryente sa lugar.

Ikinatuwa naman ito ng pamilya ni Risa Keyat na siyang nakatanggap sa solar panel.

"Para sa mga anak ko, para sila makapagbasa, para may ilaw," aniya.

Dumalo rin si Robredo sa isang groundbreaking ceremony para sa itatayong school dormitory ng Matarinao School of Fisheries.

Sa Biyernes, magtutungo siya sa bayan ng Gandara, Samar para magbigay ng 15 kalabaw sa mga magsasaka. - Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.