SAPUL SA CCTV: Aso hinampas ng kahoy hanggang mamatay

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 09:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ng Barangay Divinagracia sa Lapaz, Iloilo City ang isang lalaki na hinampas ng kahoy ang isang aso, matapos umanong atakihin nito ang kaniyang alagang manok. 

Sa naunang footage, kitang hinahabol ng dalawang aso ang manok ni alyas "Bebot."
    
Lumabas si Bebot at itinaboy ang mga aso gamit ang bato.

Maya-maya, kumuha na siya ng kahoy at tumayo lang sa gilid na tila nagbabantay. 

Nang muling sumalakay ang mga aso makalipas ang ilang minuto, doon na niya hinampas ang isa sa mga ito.

Kitang nangisay ang aso, hanggang sa tuluyan nang mamatay.

Sabi naman ng may-ari ng aso, nagulat siya nang makita ang kaniyang patay na alaga sa daan.

Tumangging humarap sa ABS-CBN News si Bebot pero aniya, dinepensahan lang niya ang kaniyang sarili dahil tila aatakihin siya ng aso.

Payo naman ng barangay, itali ang mga aso sa tuwing umaalis ng bahay o di kaya ay ikandado ang mga pinto para hindi sila makalabas. 
    
Desidido naman ang may-ari ng aso na sampahan ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act si Bebot.
    
Handa naman si Bebot na harapin ang kaso ngunit hangga't maaari ay gusto niyang makipag-areglo na lang.

—Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.