Relate ka ba? Gutom na baby, pinasuso ng 2 nanay

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 09:49 PM

MAYNILA - Dalawang babae ang umaani ng papuri mula sa netizens matapos na maibahagi ang kanilang mga litrato habang nagpapasuso ng isang sanggol.

Sa Facebook post ng Pasig City Nutrition Committee noong Huwebes, ibinahagi dito ang karanasan ng dalawang nanay na nagpasuso ng sanggol na hindi nila anak.

 

Ayon sa post, kinailangang pumunta ng ospital ang ina ng sanggol pero hindi nakapag-iwan ng gatas para sa anak.

"Dinala si Baby Joven ng kaniyang ama sa feeding area na umiiyak, iritable at halos isubo ang kamay sa kaniyang bibig - gutom na gutom na ang sanggol," ayon sa post.

Dahil hindi marunong uminom ng gatas ang sanggol sa bote, agad na humingi ng tulong ang Barangay Nutrition Scholar na si Analiza Ampatin sa isang nanay na malapit sa lugar sa Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan.

Agad namang rumesponde sina Jennifer Miguel at Ma. Divina Dimanlig para mapunan ang pangangailangan ng sanggol.

"Mabuhay ang mga nagpapasusong ina na naglalaan ng panahon upang makatulong na ang gutom ng ibang sanggol ay ibsan. Maraming salamat sa buong pusong pagbabahagi ng inyong gintong likido sa oras ng pangangailangan," saad ng komite.

Hindi ito ang unang pagkakataon na tumugon ang mga ina sa pangangailangan ng mga sanggol kahit hindi pa sa kanila.

Ang klase ng bayanihang ito ay naipamamalas din sa panahon ng kalamidad tulad ng nagdaang bagyong Yolanda sa Tacloban at ang kaguluhan sa Marawi City.

May mga pagkakataon din na tumugon ang mga nagpapasusong nanay sa mga sanggol na naging biktima ng trahedya o iniwan ng kanilang mga ina.

Hinahangaan man ng marami, pero sa mga nanay na patuloy na tumutugon sa anumang katulad na sitwasyon, mother's instinct ang maitatawag nila dito. 

Bagama't may mga panahong hindi nagiging madali ang breastfeeding, para sa marami nakakaalis ng stress ang makitang masaya, busog o kalmado ang kanilang mga anak.

Tulad na lang ng pang-alis pagod na video na ito ng dalawang taong gulang na anak ni Jackie Lyn Cortez mula Antipolo City na nakagawa ng kanta para sa minamahal niyang 'dede'.

 

Naka-relate ka rin ba?

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.