'Pustahan sa basketball': Suspek sa panggagahasa sa katrabaho, timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 06:32 PM

Inaresto nitong Huwebes ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaking pinagbibintangang humalay sa kaniyang babaeng kasamahan sa trabaho noong Enero 2018. 

Sa bisa ng arrest warrant, pinasok ng mga pulis ng QCPD Station 6 ang garahe ng mga truck sa Dasmariñas, Cavite kung saan nagtatago ang target nilang si Marvin Maglente. 

Agad dinala ang suspek sa tanggapan ng QCPD kung saan nakaharap niya ang biktima. 

Ayon sa mga awtoridad, magkasama sa trabaho sa isang grocery sa Barangay Holy Spirit, QC si Maglente at ang kaniyang ginahasang si alyas "Janina."

Nabatid pa na pinagpustahanan ng suspek at isa pa nilang katrabaho na "aanakan" ang biktima kapag nanalo ito sa basketball. 

“Pinagpustahan po nila na aanakan daw po ako ng suspek...Kapag nanalo siya [sa basketball] aanakan daw po ako at kapag natalo ililibre ko daw po siya ng softdrinks," kuwento ni Janina. 

Ayon kay Janina, Enero nangyari ang panggagahasa sa taas ng kanilang opisina. 

"Tinutukan niya po ako ng cutter sa leeg at wag daw po akong magdadabog kasi papatayin niya ako," aniya. 

Naiyak naman ang biktima nang makaharap ang suspek. 

"Sinungaling ka, kuya, pinagkatiwalaan kita. Tinuring kita na kuya-kuya ko du'n. Bakit ganu'n ginawa mo. 'Kala ko mabuti kang tao," hinaing ni Janina.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang kaniyang ginawang panghahalay.

"Inaamin ko po ako nga po ang gumawa sa kaniya non," pag-amin ni Maglente.

Inaalam naman ng QCPD kung may iba pang kasong kinasangkutan ang naarestong suspek. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.