Kaso ng leptospirosis sa NKTI, muling tumaas

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 09:37 PM | Updated as of Aug 13 2019 12:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas na naman ang mga kaso ng natatamaan ng leptospirosis mula noong humupa ang baha bunsod ng habagat. 

Ayon sa National Kidney Transplant Institute (NKTI), nasa 17 katao ang naka-confine ngayong Biyernes dahil sa nasabing sakit. 

Nakahanda naman daw ang ospital kasunod ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis.

Sa loob ng dalawang buwan, umabot sa 177 kaso ng leptospirosis ang ginamot ng ospital. 

Sinabi rin ng NKTI na apat hanggang anim na kaso ng leptospirosis ang natatanggap nila bawat araw.

Inaasahan ng ospital na dadami pa ang mga kaso sa mga darating na araw.

"Nag-eexpect kami na puwedeng dumami kasi nga ang na-admit namin ay apat hanggang anim kada araw. Pinapangunahan na namin, naghahanda na kami," ayon sa adult nephrology consultant ng ospital na si Dr. Russel Villanueva.

Ayon naman kay Department of Health (DOH) undersecretary Eric Domingo, marami pa rin daw sa mga nagka-leptospirosis ang hindi umiinom ng gamot matapos lumusong ng baha. 

Sa datos ng ahensiya, nakitang 15 porsiyento ng 100 na pasyente ng leptospirosis ang namamatay.

Kaya payo nila, dapat seryosohin ang pag-inom ng gamot kapag nalantad ang katawan sa baha, at pumunta agad sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.