Binatilyo, nalunod sa ilog sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 09:47 PM | Updated as of Aug 03 2017 11:23 PM

Natagpuang patay ang isang 15 anyos na binatilyo na tumalon sa ilog sa kasagsagan ng ulan Miyerkoles sa Parañaque. 

Sinuyod ng mga rescuers kaninang umaga ang ilog para hanapin si Mark Andy Solis, na kahapon pa nawawala.

Sa kasagsagan ng ulan pasado tanghali kahapon, umapaw ang ilog sa hidden village at naisipan ng mga kaibigan ni Solis na maligo sa tubig.

Ayon sa pinsan ni Solis, inengganyo ang binatilyo ng mga kabarkada niya na lumusong kahit hindi siya marunong lumangoy.

Agad nanguna ang barangay rescue sa paghahanap pero itinigil muna nila pagdating ng gabi nang wala pa rin silang natagpuan.

Kanina, hinalungkat pa ng mga naka-bangkang rescuer ang mga kumpol ng basurang naipon sa ilalim ng isang tulay sakaling nabaon doon si Solis.

Makalipas ang 30 minuto, nakita nila ang bangkay ng binatilyo sa pampang ng putik, halaman at basura sa sitio ng St. Jude, mga isang kilometro ang layo sa hidden village.

Nanghihinayang ang tiyuhin ni Solis sa sinapit ng binatilyo, na ulila na sa mga magulang at naiwan na ngayon ang kanyang nag-iisang kapatid.

Balak ng barangay na lagyan ng barbed wire ang ibabaw ng mga riprap para mapigilan ang mga kabataang gustong maglaro sa ilog. --Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.