Bise alkaldeng idinadawit sa droga, kumuha ng 3 drug test

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2016 03:11 PM | Updated as of Aug 03 2016 10:03 PM

MANILA - Sumalang nang kusa sa tatlong drug test ang isang bise alkalde sa La Union na idinadawit sa kalakaran ng bawal na gamot.

Nag-negatibo si San Carlos Vice Mayor Julier "Ayoy" Resuello sa kinuhang drug test sa National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH) at Police Regional Office 1.

Ang resulta ng mga test ay kinumpirma sa ABS-CBN News nina NBI assistant regional director Atty. Dave Alunan, forensic chemist na si Senior Insp. Maria Theresa Amor Manuel-Sobejana at pati ng DOH Ilocos Training and Regional Medical Center.

Nakakuha rin ng ABS-CBN News ng resulta ng mga drug test kay Resuello.

Iginiit naman ng bise-alkalde na pamumulitika ang nasa likod ng mga paratang laban sa kanya.

Anya, "Matagal na nila akong sinisiraan... Gusto ko nang matapos kaya nagpa-drug test na tayo."

Dagdag ni Resuello, natagalan lang siyang magpa-drug test at harapin ang isyu dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina.

Bukod sa vice mayor, idinidikit din sa usapin ng droga ang kanyang kapatid na si San Carlos Mayor Joseres "Bogs" Resuello.

Una nang nagnegatibo sa drug test ang alkalde.

Kamakailan, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na papangalanan ang 27 lokal na opisyal na umano'y konektado sa iligal na droga.

Maaaring kilalanin ng Pangulo ang mga naturang opisyal sa ngayong Miyerkules o Huwebes, ayon kay presidential legal counsel Salvador Panelo.