PatrolPH

Debris na galing umano sa Chinese rocket, nakuha malapit sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2022 09:04 PM

Nakuha ng mga mangingisda sa Mamburao, Occidental Mindoro ang debris na ito na hinihinalang mula sa isang Chinese rocket. Courtesy: Philippine Coast Guard-Mamburao/handout
Nakuha ng mga mangingisda sa Mamburao, Occidental Mindoro ang debris na ito na hinihinalang mula sa isang Chinese rocket. Courtesy: Philippine Coast Guard-Mamburao/handout

MANILA — Nabingwit ng mga mangingisda sa may West Philippine Sea ang isang malaking debris na mula umano sa Chinese rocket.

Natagpuan ang nasabing debris mga 100 milya mula sa Barangay 7 sa bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro. May watawat ito ng China ay may nakasulat pang Chinese characters.

Ayon kay Barangay 7 chairman Jimmy Patal, Hulyo 26 nang mabingwit ng mga mangingisdang tauhan ng kanyang biyenang si Erick Tamboong ang naturang debris.

Watch more News on iWantTFC

Pero isa lamang ang nakaya nilang maisakay sa bangka at maiuwi sa Mamburao.

Dagdag pa ni Patal, sinabihan sila ng Philippine Coast Guard na may pinasabog umano sa Sulu Sea at posibleng napadpad ang mga debris nito sa karagatang kalapit ng kanilang barangay.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si Cmdr. Armand Balilo, hindi pa nila matukoy sa ngayon kung saan galing ang nasabing debris.

Nagsasagawa na umano sila ng inquiry upang malaman ang pinanggalingan nito.

May mga ulat din umano silang natanggap na may natagpuan ding debris sa Sulu.

“Mahirap po magsabi na wala tayong concrete evidence ,nagrerelay lang tayo doon sa markings na medyo hindi rin conclusive," sabi ni Balilo.

Ngayong Martes, isinakay na ng barko ang naturang debris at ibiniyahe na papunta sa tanggapan ng PCG Southern Tagalog District sa Batangas City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.