PatrolPH

Residential-commercial area sa Sta. Cruz, Maynila nasunog

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2022 05:11 PM | Updated as of Aug 02 2022 05:12 PM

Watch more News on iWantTFC

 Inakyat sa ika-5 alarma ang sunog sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila. Raya Capulong, ABS-CBN News 

Nasunog ang isang residential-commercial area sa Maynila nitong Martes hapon.

Nangyari ang sunog sa kanto ng P. Guevarra Street at Fugoso Street sa Barangay 311 sa Sta. Cruz.

Nilamon ng apoy at makapal na usok ang magkakadikit na bahay at tindahan na pawang gawa sa light materials.

Pati ang mga kawad ng kuryente ay nasunog din.

Nagkumahog ang mga residente at kanya-kanyang salba ng gamit.

"'Yung bahay po namin wala na-wash out nasunog na po... Wala po natira damit lang namin ito lang," ani Irene Callueng, residente sa lugar.

"May tindahan kami diyan sa bigasan tinawag lang ako ng mister ko tapos nagulat na lang sila may sunog na sa likuran. Natataranta na ako nilalabas ko na mga gamit," sabi ni Elizabeth Somera, residente rin.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Fire Department, 1:05 ng hapon nang sumiklab ang sunog at umabot sa ika-5 alarma. Bandang 3:23 nang tuluyang naapula ang sunog.

"Malakas ang usok at hangin kaya hindi sila makapasok agad... Mahirap malayo eh medyo malaki 'yung usok kanina grabe usok dahil sa malakas 'yung usok kaya 'yung mga bombero natin hindi maka-penetrate," ani Crosbee Gumowang, district director ng Manila Fire Department.

"Sa ganitong mga area na light materials pa-check natin mga kuryente natin atsaka huwag nating iwanan na may nakasaksak na mga kuryente pag umalis tayo dahil kahit sabihin natin na naka-off na umiinit pa rin 'yung wire so dapat alisin sa saksakan," paalala ni Gumowang.

Patuloy pang inaalam ng Manila Fire Department ang sanhi ng sunog, pati na ang bilang ng mga naapektuhang pamilya.

Nananawagan naman ng tulong ang mga residente tulad ng pagkain, damit, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan.

Tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.