PatrolPH

Lalaki patay sa pananambang sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2021 10:37 PM | Updated as of Aug 03 2021 05:25 AM

MAYNILA (UPDATE)—Patay ang isang Chinese national matapos tambangan sa Malate, sa lungsod na ito Lunes.

Base sa kuha ng CCTV, makikita na nakahinto ang mga sasakyan sa may kanto ng M.H. Del Pilar Street at Aldecoa. Marami ring mga tao ang naglalakad sa paligid. 

Halos natakpan sa kanan ng isang jeep ang blue na kotse ng biktima. 

Makikita sa di kalayuan ang isang motorsiklo na may 3 sakay, bumaba ang angkas at naglakad papunta sa blue na kotse. Maya-maya, makikita na lang na umabante ang kotse at bumangga sa taxi sa harapan, habang tumakbo palayo ang isang lalaki. 

Pitong basyo ng bala na maaaring mula umano sa kalibre 45 baril ang nakuha sa crime scene.

Base sa driver's license ng biktima, siya ay isang 34 anyos na Chinese na may address sa Parañaque City.

Ayon sa Manila Police District, inaalam pa nila ang sanhi at motibo sa pamamaril at kung ano ang background ng dayuhan. 

Nagpapatuloy pa rin ang backtracking operation para matunton ang gunman at kasabwat nito. — Ulat nina Jeffrey Hernaez at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.