Tulong sa frontliners: Ilang simbahan balik muna sa online masses

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 03:47 PM

MAYNILA — Balik sa pagdaraos ng mga misa online ang ilang parokya sa Metro Manila matapos ipag-utos ni Manila Archdiocese administrator Bishop Broderick Pabillo na bawal muna ang mga public religious activities.

Ipinagbawal ni Pabillo ang public mass matapos manawagan ang medical professionals na ibalik muna sa enhanced community quarantine ang Metro Manila sa loob ng 2 linggo bunsod ng pagdami ng kaso ng COVID-19.

Nag-post sa kani-kanilang mga social media account ang ilang parokya sa Maynila, Mandaluyong at Makati para ihayag na wala munang pisikal na misa, pero tuloy-tuloy umano ang mga misa na naka-livestream sa social media.

Ang utos, na tatagal mula Agosto 3 hanggang 14, ay para lamang sa mga simbahang sakop ng Archdiocese of Manila.

Ayon kay Pabillo, layong tumulong ng simbahan sa medical frotnliners na napapagod dahil sa pagdami ng mga pasyente at COVID-19.

Nitong umaga ng Linggo, ilang tao ang nagtungo sa Quiapo Church sa Maynila para magsimba bago muling isara ang simbahan sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.