TINGNAN: Sinehan sa Iloilo binuksan na; 140 katao pumila para manood

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2020 02:08 AM

Watch more in iWant or TFC.tv
Courtesy of Cherry Palma, ABS-CBN News

ILOILO CITY - Sabik na pumila sa isang sinehan sa Mandurriao sa siyudad na ito ang nasa 140 manonood ng pelikulang "Train to Busan: Peninsula."

Ito’y matapos muling buksan sa publiko ang sinehan na ipinasara ng mahigit 3 buwan dahil sa banta ng COVID-19.

“The moviegoers are very excited already to catch 'Train to Busan: Peninsula,' and we are very blessed and lucky to be granted a permit by Pioneer Productions and, of course, our city government," ani Karmela Alexandra Jesena, manager ng marketing and business development ng Mega World lifestyle malls.

Sa labas ng sinehan, may mga nagpapaalala sa mga pumipila na sumunod sa physical distancing.

Bago makapasok, kailangang kuhanan ng body temperature at mag-sanitize ng kamay ang mga manonood.

Kailangan ding mag-fill out ng form tungkol sa travel history, medical status at iba pang coronavirus-related na mga tanong.

Dapat ding iwan ng moviegoers ang kanilang cellphone. Nilalagay ito sa plastic na may kasamang numero saka ibibigay ang claim number sa may-ari.

“We want to ensure that everyone will have a good time and of course we’ll also protect the rights of the producers," ani Jesena.

Watch more in iWant or TFC.tv
Courtesy of Cherry Palma, ABS-CBN News

 

Sa loob ng sinehan, one seat apart ang seating arrangement. Dahil 300 ang seating capacity ng sinehan, 140 lang ang nakapasok na manonood.

Ikinatuwa naman ng mga manonood ang ipinatutupad na safety measures.

Ayon sa isang moviegoer, nagpapasalamat siya na mahigpit na ipinatutupad ang mga safety protocol. Binili rin nila ang tickets online.

Dagdag ni Jesena, ang sinehan sa Iloilo ang pinakaunang indoor movie theater sa bansa na nagbukas umano sa gitna ng pandemya.

Aminado sila na malaking hamon ang pagsisigurong sinusunod ang safety protocols sa sinehan.

Ani Jesena, kailangan na ring masanay ang publiko na mag-adjust sa new normal sa panonood ng pelikula, kagaya ng pagbili ng movie tickets online.

Ang special screening ng pelikula sa naturang mall ay tatagal ng 2 araw lamang at ang lahat ng movie tickets ay sold out na, ayon kay Jesena.

Ang muling pagbubukas ng sinehan ay alinsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force.

Sa ngayon, nasa ilalim ng modified general community quarantine ang Iloilo City.

Base sa COVID-19 update ng Iloilo City Government nitong Sabado, umabot na sa 155 ang confirmed cases sa lungsod. Meron itong 65 active cases, 86 recoveries at 4 ang namatay sa sakit.

Watch more in iWant or TFC.tv
Courtesy of Cherry Palma, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.